Dingdong personal na magde-deliver ng Christmas basket; DongJen may pasabog sa ending ng DOTS

HANDS-ON talaga ang Kapuso Primetime King sa kanyang delivery app at online food marketplace business na DingDong PH.

Walang kaarte-arte ang asawa ni Marian Rivera na magsilbi ring delivery rider dahil nagkukulang na sila sa staff. Yes, siya mismo ang nagde-deliver sa ilang natatanggap nilang orders.

Buti na lang at medyo hindi na masyadong busy ngayon si Dingdong dahil natapos na nila ang  taping para sa primetime drama series na “Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation)”.

Kahapon, masayang in-announce ng award-winning actor na personal niyang ide-deliver ang limang order ng limited edition Christmas baskets na specially curated para sa DingDong PH.

“Dahil sa sobrang busy ng aming partner riders ngayong season, medyo kailangan na ng back up!

“Preparing my gears because I will be personally delivering five (5) orders of DingDong’s Christmas Baskets in the coming days.

“So whether you have been naughty or nice, we’ll check your list twice and make sure we deliver the right goodies to your doorsteps as a surprise!” mensahe ng aktor.

Kung matatandaan, last month lang mismong si Dingdong ang nag-deliver ng ilang package na ipina-book sa kanilang delivery app. Minsan na rin silang nagsanib-pwersa ng co-star niya sa “DOTS PH” na si Neil Ryan Sese para sa delivery ng mga produkto mula sa pag-aari nitong K&G Seafood, na isa sa partner merchant ng DingDong PH.

Ang DingDong PH ay ang negosyong itinayo ng Kapuso actor para matulungan ang mga taong nawalan ng trabaho at kabuhayan dulot ng COVID-19 pandemic, kabilang na riyan ang mga displaced workers mula sa entertainment industry.

Kinuha sila ng Team Dingdong bilang riders na talagang dumaan pa sa matinding training alinsunod sa mga ipinatutupad na patakaran ng pamahalaan.

Samantala, habang papalapit na ang pagtatapos ng “Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation)” ay nakakaramdam na ng lungkot at sepanx (separation anxiety) ang mga viewers nito all over the universe.

Mismong araw ng Pasko, Dec. 25 eere ang finale episode ng serye nina Dingdong, Jennylyn Mercado, Jasmine Curtis at Rocco Nacino kaya naman mas magiging makasaysayan ang ending ng love story nina Big Boss (Dingdong) at Beauty (Jen). Idagdag pa ang kahihitnan ng wagas na pagmamahalan nina Diego (Rocco) at Moira (Jasmine).

Huwag na huwag nang bibitiw sa huling anim na gabi ng “DOTS PH” sa GMA Telebabad dahil siguradong marami pang pasabog ang seryeng minahal n’yo nang bonggang-bongga.

Read more...