Dating aktor at anak ni Dolphy pumanaw na sa edad 63

PUMANAW na ang dating aktor at anak ni Comedy King Dolphy na si Edgardo “Edgar” Quizon. Siya ay 63 years old.

Sumakabilang-buhay si Edgar dahil sa sakit na pneumonia kahapon. Siya ay anak ni Mang Dolphy sa dating aktres na si Grace Dominguez.

Kinumpirma ng isa sa mga kapatid ni Edgar sa ama na si Eric Quizon ang malungkot na balita ngayong araw sa pamamagitan ng kanyang Instagram kanyang account.

Ipinost ng actor-director ang litrato ni Edgar at nilagyan ng caption na, “Farewell, Kuya Edgar. May you find peace in heaven. Please hug Dad, Kuya Freddie, Kuya Rolly, and Dino for me.

“You will be missed. We love you. Rest in peace, my brother,” aniya pa. Wala na siyang ibinigay na ibang detalye tungkol sa pagkamatay ng kapatid.

Bumuhos naman ng mensahe ng pakikiramay sa social media para sa naulilang pamilya ng dating aktor. Marami ring nagdasal para sa katahimikan ng kaluluwa ng yumaong anak ni Pidol.

Ngayong araw din nakatakda ang cremation sa labi ni Edgar sa St. Peter’s Chapel, sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Si Edgar ay isa sa 18 anak ng yumaong King of Comedy mula sa anim na babaeng kanyang nakarelasyon.

Namaalam naman si Mang Dolphy noong 2012 matapos makipaglaban sa chronic obstructive pulmonary disease sa loob ng limang taon.

Read more...