Sheena: Di ko alam na ako pala si superwoman…ang sarap-sarap maging mommy

FEELING “superwoman” ngayon ang first-time mom na si Sheena Halili.

Ang pagsilang ng panganay na anak nila ni Atty. Jeron Manzanero na si Baby Martina Candice ang itinuturing niyang best gift ever mula sa langit lalo na ngayong Christmas season.

Nanganak ang Kapuso actress noong Dec. 12 at sabi nga niya, hindi talaga biro ang magbuntis at manganak ngayong panahon ng pandemya dahil kailangang triple ang gawin mong pag-iingat.

Talagang kinarir ni Sheena ang pagsunod sa lahat ng safety protocols at ng mga tips at advice ng kanyang doktor para masigurong healthy siya at ang kanyang baby.

Sa kanyang Instagram account, muling nag-post ang aktres ng litrato nila ni Baby Martina kung saan makikitang katabi niyang natutulog ang sanggol. Marahil ay nakaidlip din si Sheena habang pinatutulog ang anak.

Aniya sa caption, “Di ko alam na ako pala si superwoman kayang-kaya lahat basta okay ka, anak!

“Ang sarap-sarap maging mommy,” aniya pa.

Patuloy naman ang pagbuhos ng pagbati kina Sheena at Jeron sa pagdating ng kanilang angel, kabilang na rito ang mga kapwa niya first time mommy na sina Maricris Garcia at Rachelle Ann Go.

Samantala, sa isa pang IG post ni Sheena, pinasalamatan naman niya ang mga doktor at nurse na nagpaanak sa kanya.

“I would like to thank all the doctors and nurses that were part of my pregnancy journey. Most especially to my very maalagang OB, Dra. Marie Victoria Cruz-Javier.

“She was the reason why healthy at malakas ako sa pregnancy ko hanggang sa mag push ako kagabi,” mensahe pa ng Kapuso star.

Nauna rito, ibinahagi ni Sheena ang first photo nila ng anak sa IG na may message na, “Hello anak! Hanggang ngayon, di pa rin ako makapaniwala na nahahawakan at nayayakap na kita.  Maraming salamat Lord at healthy kaming dalawa.”

Nag-post din si Jeron sa Facebook ng litrato nila ng panganay na anak na may nakasulat na, “I promise to hold your hand forever, Martina.”

Read more...