Vice buking ang mga ‘epektus’ ni Karla sa loob ng kwarto; Dyusko! Puro pagkain!

NABUKING ni Vice Ganda na sa apat na sulok ng kuwarto ni Karla Estrada ay may mga nakatagong pagkain lalo na ang chips na paborito raw ng mga anak niya.

Biglaan ang ginawang house raid ni Vice sa bahay ni Karla na walang pasintabi dahil inabutan niyang kumakain ang TV host-actress kaya gulat na gulat siya nang biglang bumulaga sa loob ng bahay niya ang “It’s Showtime” host.

At dahil nakatutok ang kamera ay sinigawan ni Karla ang videographer ng, “Patayin mo ‘yan!”

Nakatawang tanong ng “Magandang Buhay” host, “Anong meron?  Nagpa-swab ba kayo?  Basta na lang dumarating ng ganyan (akmang hahampasin ng tsinelas si Vice). Puwede ba itong ginagawa natin, nag-uusap ng walang face mask?”

“Pareho naman tayong nagpa-swab, hindi naman tayo makakapasok sa ABS (CBN) kung hindi tayo nagpa-swab,” tugon ni Vice.

Kasalukuyang naghahapunan si Karla, mga kasama sa bahay at ang batang aktor na si Jordan sabay alok kina Vice at sa mga kasama nitong samahan na silang mag-dinner.

Tuwang-tuwa ang komedyante dahil imbes na house raid ang nangyari ay naging “mukbang” vlog ito.

“Lahat kasi ng pinuntahan kong vlog (house tour), walang pagkain kaya diretsong tsikahan.  Pagkatapos kong kumain aantukin ako, uwi na ako hindi ko na itutuloy ang vlog. Ha-hahaha! ‘Yung house raid ko naging mukbang,” nakatawang sabi ni Vice.

Pagkatapos kumain ng dinner ay umakyat sila sa 2nd floor, diretso sa kuwarto ni Karla at nakitang may lamesa nga roon, “Galing tayo sa baba kumain, pagdating mo rito, kakain ulit,” saad ni Meme.

Naunang pumasok ng kuwarto niya si Karla at nahuli ni Vice na inililigpit nito ang mga tinapay kaya tawang-tawa ang TV host.

At heto pa, nahuli ni Vice na may sinipa si Karla sa ilalim ng kama niya kaya tiningnan niya ito at talagang nagpanggulong pa sila para makita dahil ayaw ng huli.

Sakto, dalawang storage box na punumpuno ng chips ang nakita ni Vice.

“Ano ‘yang nasa lihim ng kama? Ha-hahaha! Dyusko! Puro pagkain,” tila hinihikang sabi ni Vice.

Ang katwiran ni Karla ay tambayan ng mga anak niya lalo na si DJ (Daniel Padilla) ang kuwarto niya habang nanonood sila ng pelikula at kailangan may kinakain kaya may nakatago siyang chips para hindi na sila bababa pa.

“Si DJ may sarili siyang bahay do’n (kabila), may sarili siya roon, nandoon lahat ng kailangan niya, bakit siya pupunta rito,” pang-iinis na sabi ni Vice kay Karla.

Abut-abot ang kantiyaw ni Vice kay Karla dahil ang dami raw nitong gadgets na pampapayat pero napakarami naman daw pagkaing nakatago sa kuwarto nito.

At mas lalo pang naloka si Vice na bukod pala sa mga nakatagong pagkain sa ilalim ng kama ay mayroon pang nakatagong storage box asa ilalim ng lamesa kaya lukang-luka na si Karla dahil nabuking lahat ng kaibigan niya ang mga pinakatago-tago niyang food.

“Galing sa sponsor ‘yan, papamigay ‘yan,” sambit nito.

“Bakit nasa kuwarto mo?” tumatawang tanong ni Vice.

Bago nagtapos ang vlog ni Vice ay niyaya siya ni Karla na mag-shot muna. Mapapanood ang buong vlog sa Vice Ganda YouTube channel ng TV host.

Read more...