NANG lumipat si Billy Crawford sa TV5 at tinanggap ang offer ng Brightlight Productions para sa mga programang “The Masked Singer” at “Lunch Out Loud” ay kaliwa’t kanan ang inabot niyang pambabatikos.
Talagang nakatikim siya ng masasakit na salita mula sa netizens at ilang taga-production na hindi naman alam ang pinagdaanan niya bago dumating ang mga projects na ito.
Inamin ni Billy na “saving grace” niya ang Brightlight Productions dahil nagkaroon siya ng trabaho sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Wala nang trabaho ang TV host nang magsara ang ABS-CBN dahil hindi na nabigyan ng bagong prangkisa ng Kongreso noong Hulyo 10 at buntis pa noon ang asawa niyang si Coleen Garcia.
Kaya naisip nila that time na iwan na muna ang Pilipinas ngunit dumating nga ang “The Masked Singer” at “Lunch Out Loud.” Ipinagtapat lahat ito ni Billy sa panayam niya kay Luchi Cruz-Valdez sa programang “Usapang Real Life” sa TV5 nitong nagdaang Sabado.
“I’m planning to sell everything and gonna move out of this country. And feels wala, e, I didn’t have a job. You know what I’m saying? And if I did, it wasn’t really sustainable. I couldn’t sustain my family. It was a lot of depressing moments,” pagtatapat ni Billy.
Halos lahat ng Kapamilya stars ay iisa ang naramdaman nang magsara ang network, para silang pinagbagsakan ng langit at lupa.
“It was really a dark period for everyone at ABS-CBN. That includes artists, that includes Pas. I mean, each and every personnel at ABS,” sabi pa ni Billy.
At inamin ni Billy na ilang gabi siyang umiiyak dahil sa nangyari sa ABS-CBN at hindi niya alam kung anong mangyayari para sa kanyang pamilya.
Diretsong sabi ng TV host, “I’m not gonna lie, there are a lot of nights that I cried. There are a lot of nights that I called most of my friends at ABS.”
At kahit nasa TV5 na siya ay nakakausap pa rin niya ang mga kaibigang naiwan sa Kapamilya network.
“And I’m still in touch with my Kapamilya. Lahat kami magkakaibigan, magkakapamilya talaga kami. Yung mga ibang tao lang naman talaga ang nagbibigay kulay,” paliwanag nito.
Naikuwento rin ni Billy na nag-usap sila nang matagal ni Vice Ganda para ihayag ang saloobin nito kaya kung mapapansin ay walang sama ng loob at parunggit ang mga taga-It’s Showtime sa TV host dahil alam nila ang kuwento at pinagdaanan nito.
“I’m just really thankful that I have a job. I’m really thankful that I really did what I love to do at my age. I want this to be sustainable for my family,” saad ni Billy.
Kaya sa mga bumatikos noon kay Billy, ngayon alam n’yo na ang tunay na pangyayari.