WALANG nagawa ang TV network sa homegrown talent nilang aktres na hindi na nag-renew ng kontrata dahil mas type raw nitong maging freelancer.
May malaking project sana ang aktres — isang pelikula na makakasama niya ang kanyang favorite loveteam at isang teleserye na mahusay ang mga kasama at maganda rin ang kuwento, pero dahil hindi na nga ito nag-renew humanap na ng kapalit ang network.
Kasalukuyang may ginagawang pelikula ngayon ang aktres na ang kapareha ay taga-ibang TV network at nae-enjoy niya ang maging freelance dahil may mga offer sa kanya ngayon na mas challenging ang role kaysa sa mga ibinibigay sa kanya sa rati niyang network.
Ang sabi sa amin ng taong isa sa nakakaalam kung bakit hindi na nag-renew ang aktres ng kontrata, “Ang dami-dami niyang offers, so samantalahin niya habang mainit.
“Alam mo naman ang showbiz, hindi natin alam kung anong mangyayari bukas kaya habang meron, go lang nang go, pero siyempre, pipiliin mo rin ang projects kasi ang gaganda ng mga nasimulan niya,” sabi ng aming source.
Going back sa network na may offer sa aktres ay lalo raw lumaki ang magagandang mata ng aktres ng malaman kung anong project ang alok sa kanya.
Kung anuman ang project na ito ay naniniwala kaming mapapansin talaga siya dahil kilala namin ang network na pawang de kalidad ang mga ginagawang proyekto at higit sa lahat, lalong magiging maingay ang pangalan ng aktres.
In terms of love life ay happy si aktres kaya nga ang daming nagsabi na napakaswerte talaga niya dahil successful na ang career, happy pa ang lovelife.