Resto ni Ka Tunying pinagnakawan ng taong pinagkatiwalaan: Sobrang sakit sa pakiramdam

PINAGNAKAWAN ng napakalaking halaga ang restaurant business ng mag-asawang Anthony at Rossel  Taberna.

Ito ang isa pa sa pinoproblema ngayon ng broadcaster-TV host bukod sa pagpapagamot ng panganay nilang anak na si Zoey na nakikipaglaban sa leukemia.

Ibinahagi ni Ka Tunying sa “Magandang Buhay” kaninang umaga, ang matinding sama ng loob dahil mismong ang taong pinagkakatiwalaan nila ang nagnakaw sa kanilang kumpanya.

“Mayroon kaming isang bagay na kanina pa namin pinag-uusapan kung pwede naming i-share dito sa ‘Magandang Buhay,'” simulang pahayag ni Ka Tunying.

“Isipin mo hirap na hirap kami. Alam mo ‘yung pagpapagamot sa katulad ni Zoey, sa kanyang kondisyon, mabigat ‘yon. Minsan napupuntahan niyo itong Ka Tunying’s nadiskubre namin two weeks o three weeks ago lamang na kami pala ay ninanakawan ng taong pinagkakatiwalaan namin dito sa kompanya.

“Eh, sabi ko napakahirap naman ‘yung ganu’ng sitwasyon at hindi maliit na halaga ‘yung kinuha sa kompanya. Kumbaga kumita ka ng konti sa pagtitinda ng tinapay, iniipon mo ‘yon tapos kukuhain lang ng ibang tao,” emosyonal na chika ng news anchor at komentarista.

Aniya pa, “Sobrang sakit sa pakiramdam. Kaya ang sitwasyon namin ngayon ‘yung tao ay inihahanda namin ang kaso sa kanya. Tinitingnan din namin ang pananagutan ng bangko. Kasi malaking halaga.”

Dagdag pa ni Anthony, posibleng magsara ang kanilang negosyo kapag hindi nila agad nagawan ng paraan ang ginawang panloloko sa kanila.

“Sabi ko nga, kundi namin mareremedyuhan ngayon ang nangyari, masakit man ipinagtapat ko na sa manager namin na baka ihanda natin ang sarili natin sa pagsasara ng komponya. Sobra kasing laki nung nawala kaya napakahirap ng pangyayari ngayon,” sey pa ng broadcast journalist na masamang-masama ang loob.

Sa kabila ng mga problemang dumarating sa kanilang pamilya naniniwala pa rin siya na malalagpasan din nila ang mga pagsubok ba ito.

Read more...