Doble ang itinaas ng inilaang pondo para sa National Broadband Program (NBP) ng pamahalaan ngayong taon.
Ayon kay Senate Finance Committee chair Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara, mula sa dating P902.194 milyon ay P1.9 bilyon na ang nakalaan para sa NBP sa ilalim ng niratipikahang P4.5-trilyong general appropriations bill.
Malaking tulong ito ayon kay Angara para mapagbuti ang internet service sa bansa.
“We need to really ramp up our internet infrastructure. It’s one of the needs of our country. When you talk about Build, Build, Build, you don’t just look at roads, you don’t just look at buildings, but you also look at the actual internet infrastructure because that will provide greater investments,” ayon sa senador.
Dagdag pa ng senador, ang National Broadband Program ay tiyak ding makalilikha ng higher-paying jobs sa susunod na taon.
Unang itinaas ng Senado at Kamara ang budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ng hanggang P5 bilyon, pero sa bicameral committee ginawang P956 milyon lamang ang dagdag budget.
Sa kaniyang interpellation sa bicameral conference report sa 2021 budget bill, sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson na masyadong mabababa ang P1.9 bilyong ratified budget gayung ang kailangan ay P18 bilyon para maipatupad ang National Broadband Program.
Sinabi ng NTC na kailangang mag-invest ang bansa sa network facilities lalo pa at mayroon lamang tayong 22,500 cell sites kumpara sa 80,000 cell sites ng Vietnam.
Sa ilalim ng National Broadband Program maliban sa pagtatayo ng mas maraming cell sites ay ikakasa din ang National Fiber Optic Cable Backbone, Cable Landing Stations, Accelerated Fiber Build, Satellite Overlay, at Broadband Delivery Management Service.
Sinabi ni DICT Sec. Gringo Honasan na malinaw din ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat mapagbuti ang Internet connectivity sa bansa para makaagapay ang mamamayan sa “new normal”.
Ito ang dahilan ayon kay Honasan kaya doble-kayod ang DICT sa pagpapatupad ng the digital connectivity initiatives nito partikular na ang National Broadband Program.