Willie: Pag inatake ako, mumultuhin ko kayong lahat

SIGURADONG ipinagdarasal ngayon ng Kapuso viewers at mga tagasuporta ng “Wowowin: Tutok To Win” ang kalusugan ni Willie Revillame.

Ibinalita kasi ng TV host-comedian sa isang episode ng kanyang programa na ilang araw nang mataas ang blood pressure niya.

Ayon kay Willie, tatlong araw nang mataas ang presyon ng kanyang dugo na umabot sa 150/110 kaya naman noong nakaraang Miyerkules ay hindi uli siya nag-opening number.

Ang mga co-host niyang si “Hipon Girl” Herlene at beauty queen na si Michelle Gumabao ang nagpasimula ng “Wowowin”.

Sabi ng Kapuso host, napatunayan niya na nag-iiba na ang takbo ng sistema ng kanyang katawan. Medyo marami na rin daw kasi siyang nararamdaman ngayon.

“Kapag magkakaedad ka na pala nag-iiba na. Kapag tumatayo ako sa nadaling araw, ihi ako nang ihi, tapos ang balakang ko ang sakit,” pag-amin ni Willie.

Dugtong pa niya, “Kapag magsi-sixty years old ka na, marami ka nang nararamdaman. Isipin n’yo tatlong araw na akong 150/110, yan yung BP (blood pressure) ko.”

Sa nakaraang episode nga ng kanyang game show, pabiro pa niyang tinakot niya ang staff at crew na mumultuhin niya ang mga ito kapag may nangyari sa kanya.

“Yung blood pressure ko hindi nga bumababa eh. Ano yun pwede akong atakihin?

“Kapag may nangyari sa akin inatake ako, mumultuhin ko kayong lahat. Kukurutin ko yung mga ano n’yo,” tawa nang tawang sabi ni Willie sa kanyang staff na nasa studio.

Ngunit kahit nga masama na ang kanyang pakiramdam ay itinuloy pa rin niya ang programa para makapagbigay ng saya at papremyo sa lahat ng nakatutok sa “Wowowin.”

Ilang fans naman ni Willie ang nagsabi sa amin, kabilang na ang mga kapitbahay naming mga lolo at lola na ipagdarasal daw nila na maging maayos na ang kalusugan ni Willie.

Ayon pa sa kanila, dapat daw huwag masyadong magpakapagod at magpa-stress ang TV host para hindi na tumaas ang BP niya. May nag-suggest pa nga na dapat daw ay regular na nagpapa-check up ang komedyante.

Read more...