John Arcilla ‘pinagaling’ din ni Father Suarez: Totoong may himala!

“NAPAGALING” din ng healing priest na si Father Fernando Suarez ang award-winning actor na si John Arcilla.

Si John ang gaganap bilang Father Suarez sa biopic nitong “Suarez: The Healing Priest” na isa sa 10 official entry sa 2020 Metro Manila Film Festival na mapapanood worldwide simula sa Dec. 25, Pasko.

Ayon sa aktor, nabigyan siya ng chance na makilala nang personal ang sikat na sikat na pari noong nabubuhay pa ito at bago simulan ang shooting ng kanilang movie.

Inamin nga niya na muntik na siyang umatras sa proyekto dahil sa mga nabasang kontrobersya na kinasangkutan nito noon. Pero nang makilala at makausap na nga niya ang pari ay nagdesisyon siyang ituloy na ang pelikula.

Sa ginanap na “face-to-face”  (with strict health protocols) mediacon ng “Suarez”, inamin ni John na naranasan din niya ang healing power ni Father.

Aniya, “More on emotional ‘yung nagawang healing sa akin ni Father Suarez. He touched my head and prayed over.
“After that, gumaan ‘yung pakiramdam ko. Umaliwalas. That was the time na may mga problema kami sa family. At totoong may miracle. Naging okay ang family ko. ‘Yung healing hindi lang talaga sa physical ‘yan,” lahad pa ng aktor.

Naniniwala rin si John na malaki ang maitutulong ng pagpapalabas ng life story ni Father Suarez sa MMFF 2020 upang mas lumakas pa ang pananampalataya ay pananalig natin sa Diyos.

“Ngayong may pandemya, ibibigay sa atin ng pelikula ‘yung nawalang paniniwala natin. Hahaplusin tayo ni Father Suarez through our film, kahit wala na siya,” ani John.

Samantala, marami ang nagsasabi na malakas ang laban ng aktor sa pagka-best actor dahil sa pagganap niya bilang Father Suarez. Ano ang comment niya rito?

“Siguro sa itinagal-tagal na nating uma-attend ng festivals, even abroad, lahat naman ng actor you want to be recognized sa work mo.

“Kaya lang karaniwan naman kasi kung hindi ka nanalo mapu-frustrate ka. So sabi ko, hindi na lang ako maniniguro kung ‘yun palang nakikita ng tao na performance mo na award worthy, so thank you so much.

“Kung hindi naman okey na rin sa akin. Okay na sa akin na na notice nila na ward worthy ang aking performance,” aniya pa.

Ang matindi raw niyang makakalaban sa pagka-best actor ay sina Jinggoy Estrada at Phillip Salvador, narito ang reaksyon niya rito, “Huwag naman magagalit sa akin si Phillip Salvador, pero kinalakihan ko na ang acting niya. Ha-hahaha!

“And then siyempre pati si Jinggoy. Kaya para sa akin, isang malaking honor na ‘yung mga icon noong unang panahon eh, katapat ko sa nominations as nominees. Sobrang saya and it’s an honor sa totoo lang,” sagot ng magaling ding kontrabida sa “Ang Probinsyano.”

Naibahagi rin ni John na ang pinaka-significant na eksena para sa kanya sa “Suarez: The Healing Priest” ay nang pagbintangan si Father Suarez ng kung anu-ano, at gusto siyang parusahan ng ilang taga-simbahan, “Iyon ‘yung nasasaktan na siya, parang hinahanapan na siya masyado ng mali.”

Pahayag pa niya, “Naniniwala ako na tatangkilikin itong pelikula namin lalo’t marami siyang (Father Suarez) followers at marami ang naghihintay nitong pelikulang ito at para sa kanila karugtong itong pelikulang ito ng pagmamahal nila kay Father.

“Sana hindi ako magkamali at sana ay suportahan ito ng lahat ng mga naniniwala kay Father Suarez at sana lahat din tayo. At sana lahat ng pelikula rito sa MMFF bigyan ng pagkakataon ng mga Filipino, for the first time rito sa online MMFF na parang nakaka-excite,” positibo pang pahayag ni John Arcilla.

Mahigit 50 artista ang mapapanood sa pelikula na idinirek ni Joven Tan, kasama na riyan sina Rita Avila, Jin Macapagal, Marlo Mortel, Troy Montero, Alice Dixson, Jairus Aquino, Dante Rivero, Rosanna Roces, Yayo Aguila at marami pang iba.

Read more...