Allan K tinamaan ng COVID, namatayan ng 2 kapatid, nagsara ang comedy bar: Parang binagsakan ako ng mundo…
MATINDI ang pinagdaanan ng TV host-comedian na si Allan K nitong mga nakaraang buwan — bukod sa nagsara na ang mga pag-aari niyang comedy bar ay tinamaan din pala siya ng COVID-19.
Sa nakaraang episode ng “Bawal Judgmental” ng “Eat Bulaga”, ikinuwento ni Allan K ang naging buhay niya noong mahawahan na siya ng killer virus.
Ang pinahulaan kasi sa celebrity player na si Ali Sotto ay ang mga personalidad na nagka-COVID-19 na na-confine sa ospital.
Bukod nga kay Allan K, kabilang din sa choices sina Wally Bayola at ang personal assistant ni Alden Richards na si Tenten Mendoza.
Ayon kay Vic Sotto, severe case ng COVID-19 ang tumama kay Allan kaya na-ICU (Intensive Care Unit) siya sa isang ospital, “Nu’ng in-admit siya, alam mo ba ang sabi ni Doktor? Ngayon ko lang sasabihin ito, ‘He doesn’t look good.’
“Ibig sabihin, ganoon kaseryoso yung kaso ni Allan. Parang yung doktor magsabi sa akin na hindi maganda ang lagay ni Allan, medyo kinabahan na kami ni Pauleen (Luna, asawa ni Bossing) noon.
“Abut-abot na ang aking dasal. Talagang pasalamat sa Diyos,” pahayag pa ni Vic.
Hindi napigilan ni Allan K ang mapaluha habang nagkukuwento sa pinagdaanan niya na nagpaluha rin kay Ali at sa mga host ng “Eat Bulaga”.
Aniya, bukod sa pagsasara ng mga comedy bar na pag-aari niya, magkasunod pang pumanaw ang dalawa niyang kapatid.
“In denial ako na mako-COVID ako. Nung magsimula ang 2020, masyado nang maraming hindi maganda na nangyari sa buhay ko.
“Unang-una, namatay yung bunso namin si Junjun, na ako ang nagturo ng kanta noong maliit. After two months, yung sister ko naman na tumira sa akin ng 17 years, tapos umuwi na ng Bacolod, namatay din.
“Namatay silang pareho na nasa pandemic tayo. So, sinunog sila na hindi ko na nakita. Dalawang magkasunod, two months lang ang pagitan. Tapos, nagsara pa yung dalawa kong bars,” umiiyak na sabi ni Allan K.
“Sabi ko, hindi pwedeng mangyari sa akin ito kasi alam ko na diabetic ako, tapos may edad na rin tayo.
“Ayon kasi sa mga balita, kapag ganoon na yung case mo, malamang mamamaalam ka na. Kaya nu’ng nagpa-swab ako, hindi ko na matandaan. Ang alam ko lang, pumunta ako sa ospital.
“Parang binagsakan ako ng mundo. Parang, ano ba? Hindi pa tapos ‘yung taon, sabi ko sige, magpaospital na tayo. Isinakay nila ako sa kotse, inihatid ako sa ospital.
“Parang wala na akong huwisyo, wala na akong maalaala. Stretcher agad, direto sa emergency room. Nu’ng nakahiga ako doon, nagkamalay-malay na ako.
“Tinitingnan ko lang yung mga tao sa plastic na kurtina sa labas. Tinitingnan ko sila at pinakikinggan na maigi kung ano yung mga sinasabi nila.
“Baka ‘Mamamatay na ‘yan,’ baka sabihin na lang ganoon. Baka ‘It’s his end,’ parang ganoon. Pero sa awa ng Diyos, wala akong narinig na ganoon. At nu’ng nanumbalik na talaga yung huwisyo ko, lumabas yung pagka-Kristiyano ko.
“Kumapit ako sa favorite ko na verse sa Bible, Exodus 50 Verse 26. Ang sabi doon, ‘I am the God that healeth thee.’ Alam niyo, maya’t maya ko iyon sinasabi.
“‘Lord, you are the God that heals me. You just have to say the word and You health my disease.’
“True enough, alam n’yo, never ako na-intubate. Sa sitwasyon ko kasi, severe yung case ko. Hindi siya mild tulad sa kanila na pwedeng i-house quarantine lang, sa akin hindi.
“Nadala pa ako sa ICU, siguro mga three days, three nights ako doon, as in wala kang makita, kuwarto lang talaga.
“Hanggang sa sinabi ng doktor na, ‘You’re improving. Iakyat ka na namin, sa ICU din yung room na iyon pero may makikita na window, so parang mae-entertain ka na, kahit paano,’” lahad pa ng comedian-TV host.
Patuloy pa niya, “Thank you Lord!!! After one week, alam niyo kung sino ang unang nag-text sa akin? Si Bossing, sabi niya, ‘Hi Bading, kumusta ka na?’
“Sabi ko sa kanya, ‘Heto, Pare, nagpapagaling pa.’ Sabi niya, ‘Kaya mo ‘yan. Virus lang ‘yan, ‘no?’ Nag-joke din ako, sabi ko, ‘Oo Bossing, virus lang siya, bakla ako!” ang birong sagot naman ni Allan K kay Vic.
Nagpasalamat din ang komedyante sa lahat ng nagdasal at tumulong sa kanya habang nilalabanan ang killer virus.
Aniya pa, “Hindi ako nakaiyak nung mamatay yung bunso namin. Hindi rin ako nakaiyak nung mamatay ang kapatid kong babae, ngayon lang, e!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.