Kamara may 98 kumpirmadong kaso ng Covid-19

GRIG C. MONTEGRANDE

May 98 kumpirmadong kaso ng Covid-19 ang Kamara de Representantes ayon sa resulta ng isinagawang mass testing sa mababang kapulungan, ayon sa tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Pero ayon kay Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) Director Dr. Rolly Cruz, tanging 40 cases lamang ang nasa kanilang listahan na pawang nagself-reporting.

“’Yung 40 cases na ito ay pawang nakatira sa mga barangay sa paligid ng Batasan Complex. Nang aming tanungin kung saan nila nakuha ang virus ay sa kanilang workplace sa Kamara,” wika ni Cruz.

“Inaalam natin ngayon kung itong 40 cases na nasa aming listahan na mga kawani ay kasama na sa 98 cases na dineclare ngayon lang ng Mababang Kapulungan o hiwalay pa ito,” dagdag pa ni Cruz.

Aniya, kanila na ding iimbestigahan kung saan at paano nakuha ng 98 confirmed cases ang virus, kung ito ay pawang sa Kamara nakuha o sa ibang lugar at kung may batayan para ipasara pansamantala ang tanggapan.

Iginiit ni Cruz na dapat ay 24 oras lamang ay naireport na ang COVID cases para sa gagawing contact tracing,subalit sa kaso ng Kamara ay tumagal ito, aniya, magsusumite sila ng report sa Department of Health (DOH) ukol sa kanilang magiging findings sa dahilan ng late reporting ng Mababang Kapulungan.

Ang 98 confirmed cases sa buwan ng Nobyembre ng Kamara ay hiwalay pa sa nauna nang 80 COVID cases na naitala simula Marso 2020 kung saan dalawang mambabatas at tatlong empleyado ang nasawi.

Read more...