Charles Nathan nakakatanggap ng indecent proposals: P100K-P600K ang offer


Madalas mapagkamalang si Alden Richards si Charles Nathan, isa sa cast ng “Anak ng Macho Dancer” dahil pareho sila ng features, tisoy lang ang una.

Habang nagsasalita si Charles ay pinagmamasdan namin at oo nga, hawig sila ni Alden sa mata, magsalita at kung paano ngumiti.

Kuwento nga niya, “Maraming beses na po kapag nasa mall kami, laging may nagsasabi kung puwede magpa-picture at yun nga, Alden ang tawag sa akin. Sabi ko kaagad, ‘hindi po ako si Alden.”

Nangyari ito noong wala pang Covid-19 pandemic at wala siyang suot na face mask at ngayong may suot ay ganu’n pa rin dahil din siguro sa gupit niya at tindig.

Ayon kay Charles, ikalawang pelikula niya ang “Anak ng Macho Dancer.” Para sa kanya, maswerte siya dahil pawang mahuhusay na direktor ang nakaka-trabaho niya, ang una ay ang “Unlock,” LGBTQ movie ni Direk Adolf Alix, Jr.

At itong “Anak ng Macho Dancer” na Joel Lamangan ang direktor ay sobrang overwhelmed si Charles dahil ang dami niyang natutunan.

Mahiyain ang basa namin kay Charles pero mapangahas ang mga karakter niya dahil sa “Unlock” ay may kahalikan siya sa kapwa niya lalaki habang sa “Anak ng Macho Dancer” ay pumayag siyang magpakita ng puwet at sumayaw na ang suot ay skimpy brief.

“May scene po ako na ganu’n (sumasayaw).  Kinabahan po ako talaga kasi first time kong gawin sa movie. Nu’ng nalaman ko pong si direk Joel ang direktor, sobrang na-excite po ako,” nakangiting kuwento ng 21-taong-gulang na binata.

At nakatikim siya kaagad ng sigaw ni direk Joel, “na-experience ko po iyon sa first shooting day namin na tinatawag niya ako sa role ko bilang Mario tapos hindi nagsi-sink in sa utak ko na ako ‘yung Mario tapos tumingin sa akin si Sean (De Guzman), ‘Mario’ tapos bigla akong napaisip na ako pala ‘yung Mario. “Sabi ni direk Joel, ‘move ka! Umatras ka!” nasigawan po ako dahil doon.

Klinaro naman ng baguhang aktor na hindi siya kailanman namura ni Direk Joel, “nasigawan lang po.”

Nalilinya si Charles sa sexy movies at hindi naman siya naiilang dahil ang katwiran niya: “Naiisip ko po kasi na simula palang naman kasi ‘yung mga susunod ko pong project na gagawin kay sir Joed (Serrano-producer) ay mga drama na po.”

Isasapelikula ang buhay ni Joed simula noong nag-That’s Entertainment siya at si Charles ang gaganap. Magandang behikulo ito para sa karera niya dahil makulay ang buhay showbiz ng may-ari ng The Godfather Productions.

“Sobrang honored po ako na gampanan ang buhay ni sir Joed kasi makakasama ko po rito si sir Wendell Ramos bilang old Joed,” pahayag ng binata.

Sa tanong namin kung ano ang nakita ni Joed kay Charles para siya ang piliin.

“Naghahanap po kasi si Sir Joed ng bagong mukha at nabanggit na kamukha ko si Sir Wendell at napanood po niya kaya pinahanap po niya ako,”pakli ng baguhang aktor.

At bilang baguhan sa showbiz ay may pangarap si Charles na makasama sa pelikula pagdating ng araw.

“Tatlo po sila, si Ms Liza Soberano, si Ms Kathryn Bernardo at ‘yung crush kop o, si Sue Ramirez.

“Crush kop o si Sue kasi nu’ng ‘Pangako Sa ‘Yo’ with Daniel Padilla po, kumanta po siya (Sue) at sobrang (nagandahan) ako sa boses niya, magaling pang umarte po,” paliwanag ng binata.

At sa mga lalaking artista ay humahanga si Charles kay, “John Lloyd Cruz, kasi sobrang galing po niya (umarte) lalo na sa drama. Sa mata palang iba na ‘yung naibibigay niya.”

Samantala, nabiyayaan ng magandang mukha, pigura at masarap kausap kaya hindi maiwasang may mga indecent proposals siyang natatanggap at sinabi niya ito sa manager niyang si Joed na gina-guide siya bilang sanay na sa takbo ng showbiz.

“I need to guide him kasi ang dami niyang indecent proposals. Pero magaling siyang mag-decline, magkano nga offers sa ‘yo?” tanong ni Joed kay Charles.

“May mga nago-offer po ng P100k to 600k,” sabi ni Charles.

Hirit ni Joed, “Naku ang mura naman. Kahit house and lot (bayad) hindi rin puwede.”

Dagdag pa ni Joed, “sabi ko sa kanila (talents niya) hindi sagot ang pagpatol (indecent proposal) sa kahirapan.”

“Hindi ko naman po sila pinapansin, hindi ako sumasagot,” sabi pa ni Charles.

At ito rin pala ang payo ni Joed, “Huwag silang sasagot not even once. Kasi once na sinagot mo ‘yan, ang iisipin ng bakla, binibigyan mo sila ng chance or aasa na. At ‘yung iba iyayabang na sa iba na naka-text ka nila.”

Wala ring experience sa bakla ang bagong protegee ni Joed, “Yung sa movie lang po with Chad Kinis, yung kissing scene namin,” pag-amin ng binata.

Sa tagal naming kausap si Charles ay hindi niya binanggit na may trabaho siya at tapos siya ng IT, 4 years kung hindi pa ibinuko ng ilang katoto.

Napangiti muna ang binata at saka sinabing, “Marketing (at advertising) manager po ako ng family business namin, ‘yung Bragais Shoes. Marami pong orders sa online,” kaswal nitong sabi.

Sikat ang Bragais shoes sa mga beauty contest dahil ito lagi ang ipinasusuot sa mga kandidata at take note hindi ito libre.

“Nagbabayad po sila (organizer) sa amin. Kahit sinasabing sponsor kami, me bayad po sila,” pagtatapat ni Charles.

Apat na magkakapatid sina Ardel Presentacion, ang tunay na pangalan ni Charles, at siya ang panganay at aminadong close ang kanilang pamilya.

Kaya naman nangangamba siya kapag napanood ng pamilya niya ang “Anak ng Macho Dancer.”

“Nagsabi naman po ako sa parents ko na kakaiba itong role ko, ikinuwento ko po mga eksenang ginawa ko. Siguro naman maiintindihan nila. ‘Yung mga kapatid ko pong babae, siguro ‘wag na lang nilang panoorin o takpan nila ang mga mata nila,” nakangiting sabi ng binata.

Mapapanood ang “Anak ng Macho Dancer” sa online platforms na ini-schedule pa ng The Godfather Productions.

Read more...