John Arcilla muntik nang umatras sa ‘Suarez’; pangarap makatrabaho sina Catriona at Charo


ANG “Maalaala Mo Kaya” host na si Charo Santos-Concio ang dream leading lady ni John Arcilla para sa isang global project.

Ito ang diretsong sagot ng premyadong aktor nang tanungin kung sino ang gusto pa niyang makatrabaho in the future.

Walang binanggit kung anong kuwento ang gusto ni John, basta ang nais niya ay makasama ang award-winning actress.

Tinanong namin kung okay sa kanya na maging love interest niya si Ms. Charo, “Oo naman, December-December love affair,” sagot ng bida ng pelikulang “Suarez: The Healing Priest.”

Open din siya kung may kissing scene, “Kung papayag ba si Charo, e, di sige,” tumawang sabi ng aktor.

Sa rami na kasi ng nagawang pelikula at natanggap na acting awards ni John kaya natanong kung sino pa ang nais niyang makatrabaho at bukod nga kay Ms. Charo ay pangarap din niyang makasama si 2018 Miss Universe Catriona Gray sa isang proyekto.

“Kung puwede ko bang maging anak sa project si Catriona Gray o kaya May-December love affair, mga ganu’ng tema,” nakangiting sabi ni John.

Samantala, ngayon pa lang ay ang ingay-ingay na sa social media ng entry ng Saranggola Media Productions na “Suarez: The Healing Priest” na idinirek ni Joven Tan na kasama sa Metro Manila Film Festival 2020 at mapapanood na simula sa Dis. 25 hanggang Enero 8 via UPSTREAM.ph.

Napapanahon naman talaga ngayon ang kuwento ni Father Fernando Suarez lalo pa’t patuloy pa rin ang banta ng pandemya, kaya isa rin ito sa dahilan kung bakit tinanggap ni John ang movie.
Malaki rin daw ang paniniwala niya sa faith healing, “Believer ako ng healing, kahit anong healing naniniwala ako kasi bago lang naman tayo nagkaroon ng modern medicine na nauso na ‘yung pharmaceutical di ba, na naging business na.

“Kaya napaoo kaagad ako sa team na nag-invite sa akin and when I read the script, nag-research ako then nakita ko ‘yung controversy tapos parang gusto kong mag-back out.
“Tapos pinanood ko ‘yung mga video niya sobra akong na-mesmerize sa galing niya magsalita kaya naisip ko na gusto ko munang makausap si Dather bago ako mag-backout.

“Para maging fair naman ako and I have to set aside my doubts at mag- storycon muna kami and I want to listen to his story and hindi ko tatanungin ‘yung tungkol sa controversy kasi medyo awkward.

“Then napansin ko na sincere siya at nakuwento naman niya lahat, and he’s a very simple man who is not trying to defend himself, to justify ang sarili at naniniwala siyang mabi-vindicate siya kasi alam niya wala siyang kasalanan. So, I felt the sincerity kaya itinuloy ko ang project,” paliwanag ng aktor.

Noong Enero 2020 naklaro ang pangalan ni Father Suarez sa kasong sexual molestation na isinampa sa kanya ng dalawang altar boys na taga-isla ng San Jose Occidental Mindoro, sumakabilang buhay siya Pebrero ngayong taon.

Bukod sa maingay ang pelikula ay matunog din ang pangalan ni John sa pagka-Best Actor ngayong MMFF 2020.

Naunang nanalo si John ng Best Actor noong 1996 sa MMFF para sa pelikulang “Mulanay” at kung siya ulit ang tatanghalin ngayong taon ay ikalawang tropeo na niya ito.  May pressure ba sa parte ng aktor?

“Hindi naman ako pressured, minsan nasa award giving body at depende pa rin ‘yan sa criteria ng jurors kung sino sa kanila ang nakapag-perform ng best sa lahat ng entries.
“Masarap pakinggan kapag nire-recognize nila ako at doon palang masaya na ako pero para manalo, well, bonus ‘yun.  Lahat naman kami gustong manalo.

“Para sa akin it’s flattering, pero hindi ako naniniguro kasi hindi ko pa naman napapanood ‘yung iba (entry),” paliwanag ng aktor.

Kasama rin sa pelikula sina Alice Dixson, Jin Macapagal, Marlo Mortel, Jairus Aquino, Rosanna Roces, Troy Montero, Rita Avila at marami pang iba. Umabot sa mahigit 50 artista ang sumuporta sa pelikula.

Read more...