Siyam pang mga kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco ang nahalal bilang deputy speakers sa pinakahuling balasahan sa Kamara de Representantes.
Sila ay sina Negros Oriental 3rd District Rep. Arnulfo Tevez Jr., Pampanga Rep. Juan Pablo “Rimpy” Bondoc, Valenzuela City Rep. Eric Martinez, Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, Ilocos Sur 2nd District Rep. Kristine Singson-Meehan, Zamboanga del Sur 1st District Rep. Divina Grace Yu, Sarangani Rep. Rogelio Pacquiao, Valenzuela 1st District Rep. Weslie Gatchalian, at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Nanumpa sa harap ni Velasco ang siyam bilang bagong deputy speaker sa regular na sesyon ng Kamara noong Lunes.
Samantala, ang dalawang kapartido ni Velasco sa PDP-Laban–Rep. Johnny Pimentel at Aurelio Gonzales Jr.–ay tinanggal bilang deputy speakers at binigyan ng bagong posisyon.
Si Pimentel ay siya ngayong chair ng special committee on strategic intelligence, pinalitan niya si Rep. Fredenil Castro. Samantala, si Gonzales ay ginawang chair ng special committee on bases conversion, kapalit ni Rep. Francis Gerald Abaya.
Deputy majority leader naman si Rep. Tyrone Agabas, pinalitan niya si Herrera-Dy. Samantala, si Rep. Amihilda Sancopan ay ginawang assistant majority leader, kapalit ni Singson-Meehan.
Si Rep. Munir Arbison ay ginawang kasapi ng House contingent to the Commission on Appointments, kapalit ni Rep. Benjamin Agarao Jr.
Si Rep. John Reynald Tiangco ay siya ngayong chair ng committee on trade and industry, kasunod ng pagkahalal ni Gatchalian bilang deputy speaker.
Si Rep. Sandra Eriguel ay naging chairperson ng committee on interpaliamentary relations and diplomacy, kapalit ni Yu.
Ang dati namang pwesto ni Eriguel bilang chairperson ng committee on social services ay ibinigay kay Rep. Alfred Vargas.
Si Rep. Fred Guillas ay ginawang minority representative member sa special committee on strategic intelligence.
Ito ang pinakahuling balasahan sa Kamara simula nang maluklok si Velasco bilang Speaker noong Oktubre.