Kim Chiu nagka-trauma sa pusa: Umuwi ako nang late, tapos hinabol nila ako…

MARAMING mga “bawal lumabas” moment si Kim Chiu sa panahon ng COVID-19 pandemic pero wala siyang magawa kundi ang lumabas dahil kailangan na.
Unang-una, wala na raw siyang pambayad (ng bills) kaya napilitan na siyang pumunta ng ATM para mag-withdraw.

“Takot na takot ako kasi ‘yun ‘yung first time naming lumabas tapos napagod ako nu’ng unang beses akong lumabas, bawal pero kailangang lumabas.

“’Yung buong taon na ‘to, parang tatlong buwan lang ‘yung ibinigay sa ating normal tayo, the rest parang nine months sa taon na ‘to na hindi na normal.
“Ang daming nangyari kahit itong mediacon natin na hindi tayo marunong sa ganitong bagay, buti na lang nagkaroon ng ganito, so maraming things na naituro sa atin, ‘tong pagiging bawal lumabas,” kuwento ni Kim sa virtual presscon ngayong hapon para sa “Bawal Lumabas” iWant series.

Matatandaang naging kontrobersyal ang “bawal lumabas” statement ng aktres noong kasagsagan ng lockdown na naging dahilan ng matinding pamba-bash sa kanya.

Balikan natin ang pahayag noon ni Kim, “Sa classroom may batas, bawal lumabas, oh bawal lumabas. Pero ‘pag sinabi, ‘pag nag-comply ka na bawal na lumabas pero may ginawa ka sa pinagbabawal nila, inayos mo ‘yong law ng classroom niyo at sinumbit mo ulit ay pwede na pala ikaw lumabas.”

Inamin ng aktres na ito ang pinaka-lowest point ng buhay niya, noong kaliwa’t kanan ang pamba-bash sa kanya at inamin niya ang kanyang pagkakamali dahil hindi rin daw niya naintindihan ang mga sinabi niya.

At dahil trending ang sinabing ito ni Kim ay ginawan ito ng memes na bumida sa TikTok at maraming kumita rito, huh!

Dito rin ipinanganak ang kantang “Bawal Lumabas” ni Kim na umabot ng milyones ang views sa YouTube at inamin din ng aktres na kumita siya rito pero ipinangtulong niya sa mga taong nangangailangan at documented lahat iyon dahil pinost niya sa kanyang social media accounts.

Bukambibig pa rin ang “Bawal Lumabas” sa panahon pa rin ng pandemic kaya heto’t ginawa ng series at mapapanood na sa iWant TFC handog ng Dreamscape Entertainment simula sa Dis. 14 mula sa direksyon ni Benedict Mique.

Muling tinanong si Kim kung ano ang ginawa niya kahit pinagbawalan siyang lumabas noong kabataan niya.

“Hindi kasi istrikto ang magulang ko parang ako na lang ‘yung mag-iisip kung masama ba ito o hindi.

“Ang pinakabawal na sinabi nila huwag mong kakainin ‘to kasi allergic ka diyan, nagpumilit ako, kinain ko mga hipon, ayun lumaki ‘yung mata ko, hindi ako nakahinga.  Sobrang minor lang.

“Pero ‘yung lola ko ang nagsasabi ng bawal umuwi ng late.  Tapos umuwi ako nang late, tapos inabangan ako ng mga pusa sa bahay namin kaya doon nagsimula ‘yung takot ko sa pusa kasi hinabol talaga ako ng limang pusa na hanggang ngayon, natatakot pa rin ako sa pusa lalo na pag nag-eye-to-eye kami.

“Tapos dumikit talaga sila sa screen ng door namin kaya hindi ko na makalimutan kaya hindi na talaga ako uuwi ng late, kaya lang ako late pag may work, pero pag wala, umuuwi ako nang maaga,” pagtatapat ni Kim.

Inamin din ng aktres na hindi sila pinalaking pampered ng magulang niya kaya maaga siyang natutong lumaban sa buhay, “Para stronger tayo paglaki,” sambit ng aktres.

Bukod kay Kim, kasama rin niya sa “Bawal Lumabas” series sina Rafael Rosel, Kyle Echarri, Francine Diaz, Trina Legaspi, Paulo Angeles at Giselle Sanchez.

Read more...