MATAPANG na ipinagtanggol ng Parokya ni Edgar vocalist na si Chito Miranda ang mga Pinoy K-Pop fans mula sa mga bashers at haters.
May mga netizens kasi na nagrereklamo kung bakit nakasali ang ilang sikat na Korean pop groups sa local Top Bands/Groups chart ng Spotify Wrapped.
Nag-post si Chito sa Facebook page ng Parokya ni Edgar ng screenshot kung saan makikita ang listahan ng mga artists na nakapasok sa Spotify chart.
Nagpasalamat ang OPM singer-songwriter sa kanilang mga tagasuporta dahil nasa number 8th spot ang kanyang grupo.
Ang Ben&Ben ang nanguna sa listahan sumunod ang K-Pop boyband na BTS at ikatlo ang BLACKPINK. Nasa number 6 naman ang isa pang K-Pop group na TWICE.
“Wow. Sorry pero sobrang proud lang talaga ako.
“Di po talaga ako makapaniwala na kasama pa rin yung banda namin sa mga listahan na ‘to.
“Top5 ang Paroks sa mga OPM acts
“Ika-8 naman sa bands/groups (di lang OPM).
“Grabe, diba?! Nakaka-iyak talaga!
“Salamat po talaga sa lahat ng patuloy na tumatangkilik sa Parokya ni Edgar!!!” ang mensahe ng grupo sa mga fans.
Isang netizen ang bumira sa mga Filipino na sumusuporta sa K-pop, kaya naman nag-react si Chito.
Aniya, “Ako trip ko sila. Sobrang galing kaya nila. Kung di mo sila trip, oks lang naman. Ang di ko magets is bakit ang laki ng galit mo sa mga may trip sa kanila hehe!”
“Peace and respect lang parekoy. Kanya-kanyang trip lang yan,” dagdag pa niya.
Sa isa pa niyang post, pinagsabihan din niya ang ilang haters ng K-Pop, “Bakit kayo galit sa trip ng iba? Kanya kanyang trip lang yan eh. ‘Wow! Di ko sila trip! Tan***a lahat ng may trip sa kanila.’ Ganun ba dapat? Di ba pwedeng iba trip nila sa trip mo tapos ok lang tayo lahat?”
Hindi ito ang unang pagkakataon na dumepensa ang Parokya frontliner ang mga K-pop fans mula sa mga bumabatikos sa kanila.
“Kung apektado ka sa K-pop, then you are focusing on the wrong things. Ako trip na trip ko K-pop and walang masama tumangkilik ng K-pop,” ang pahayag ni Chito.