Lumikha ng kontrobersiya sa Great Britain ang ika-apat na season ng “The Crown” sa Netflix dahil sa mga bahagi ng serye na lubhang nagpapasama sa imahe ng tagapagmana ng korona, si Prince Charles, na hindi naman tumutugma sa totoong pangyayari.
Sa mga bagong episodes ng serye, na tumatalakay sa dekada ng pamumuno ni Queen Elizabeth II, tumuon ito sa yugto ng gumuguhong pagsasama ni Prince Charles at kanyang unang kabiyak, ang namayapang si Princess Diana.
Sa pinakabagong season, ginampanan ng British actress na si Emma Corrin ang papel na Princess Diana nang una silang magkilala ni Charles noong 1977. Siya ay isa pa lamang Lady Diana Spencer.
Sa kalaunan bilang kabiyak ng prinsipe, napilitan si Diana na manahimik at makuntento na lamang sa isang malungkot na buhay may-asawa at sa harap pa ng pangangaliwa ni Charles sa ngayon ay kanya ng kabiyak na si Camilla Parker-Bowles.
Pero sa kabila ng pagiging sikat ng “The Crown,” inaakusahan ang sumulat nito na si Peter Morgan ng pag-iimbento ng storyline na walang anumang babala sa manonood sa mga bahaging pawang kathang-isip lamang.
Dahil dito, napipilitan pa ang mga manonood na gumawa ng sariling fact-checking kada matatapos ang palabas.
Bagama’t nakaugalian na rin ng mga manunulat ng drama na tumatalakay sa mga totoong pangyayari ang pagsisingit ng mga inembentong eksena para mabigyang kulay ang pelikula, para sa maraming kritiko somobra ang imahinasyon ni Morgan sa “The Crown.”
‘Pareho silang biktima’
Para sa royal author na si Penny Junor, ang pamamaraan ng serye na maikwento ang nagpapatuloy na lihim na relasyon ni Charles kay Camilla sa panahong kasal pa siya kay Diana ay hindi makatotohanan.
Sa katunayan, “hindi sila nagkita sa loob ng limang taon,” ayon kay Junor, na sumulat ng biography ni Charles.
Ginawa ng “The Crown” si Diana na isang biktima habang pinalalabas naman na si Charles ay isang masamang tao samantalang “ang katotohanan ay kapwa sila biktima,” ani Junor.
Idinagdag pa niya na hindi rin totoo na ang tinataglay ni Diana na bulimia o isang klase ng eating disorder ay nagsimula nang magkaroon siya ng relasyon kay Charles.
Para kay Dickie Arbiter, dating press secretary ng Buckingham Palace, ang serye ay isang “hatchet job” laban kay Charles.
Napansin din ng royal biographer na si Hugo Vickers na “sobrang makaisang-panig” ang “The Crown” sa depiksiyon nito kina Charles at Diana.
Ganundin, hindi niya nagustuhan ang eksenang nag-uusap sina Prince Philip at Diana, kung saan sinabi ng asawa ni Queen Elizabeth II na kung ang prinsesa ay titiwalag sa royal family, may hindi magandang kahahantungan ito.
“I hope that isn’t a threat, Sir,” ang sagot ni Diana.
Ang eksenang ito, ayon kay Vickers, “ay sumusuporta sa walang kredibilidad na tsismis, na ginatungan ng mga haka-haka sa internet, na ang aksidente sa sasakyan na ikinamatay ni Diana at ng kanyang boyfriend na si Dodi Fayed sa isang tunnel sa Paris noong 1997 ay planadong pagpatay sa prinsesa.”
May ilang episode rin na ipinapakita si Philip na tumatangging lumuhod bilang simbolo ng pagbibigay-galang sa koronasyon ng reyna, inuukit sa isipan ng manonood na isa siyang babaero, at inakusahan ng sariling ama ng pagiging responsable sa kamatayan ng kanyang kapatid na si Cecile sa isang plane crash.
Ang storylines na ito, ayon kay Vickers, “ay mali, mali, at sobrang mali.”
Drama hindi kasaysayan
Para naman sa historian at author na si Ioanis Deroide, resonable lamang ang ginawang portrayal sa relasyon ni Charles at Diana.
Ang tugon ng publiko, para kay Deroide, ay dulot ng emosyon na bumabalot sa mga pangyayaring ipinapakita sa serye–at ang wala sa panahong pagpanaw ni Diana na nananatiling sariwa sa alaala ng mga tao.
Ikinalungkot naman ni Junor ang nakakasirang storyline patungkol kina Camilla at Charles.
Masasabing nagbago na rin ang pananaw ng publiko sa dalawa magmula pa ng kanilang simpleng pag-iisang dibdib noong 2005.
“Maraming tao sa Britanya at sa buong mundo na ituturing ang ‘The Crown’ bilang isang tumpak na pangkasaysayang rekord… Hindi ito kasaysayan. Ito ay isa lamang drama,” paglilinaw ni Junor.
Kathang-isip
Nanawagan ang pahayagang Mail on Sunday sa Netflix na linawin sa manonood na ang “The Crown” ay isang kathang-isip lamang.
Nakatanggap ng suporta ang panawagang ito mula mismo kay Culture Secretary Oliver Dowden na nagsabing ikinatatakot niya na ang “henerasyon ng mga manonood na hindi pa ipinanganganak noong maganap ang mga pangyayaring ito ay maipagkamali na ang fiction ay siyang katotohanan.”
Para kay Oscar-nominated actress Helena Bonham Carter, na gumampan bilang namayapang kapatid ng reyna na si Princess Margaret, ang “The Crown” ay may “moral na responsibilidad” na ipaliwanag sa manonood na ito ay isa lamang drama, hindi isang istorikal na katotohanan.