Hinulmang dildo? Seryoso?
Binulabog ng kontrobersiya ang Wellington Potters’ Association matapos na ang presidente nito ay magplano ng isang workshop sa paggawa ng ceramic dildo sa kabisera ng New Zealand.
Ayon kay Nicole Gaston, ang ceramicist na presidente ng asosasyon, plano niyang imbitahan ang Mexican artist na si Iza Lozano para magbigay ng workshop sa paghulma ng dildo na nagawa na niya sa kanyang bayan.
Interesado si Gaston sa ceramic na dildo dahil madali itong i-sterilize, maaaring may taglay na sariling init, at di tulad ng mga latex na dildo ay walang panganib na mag-iwan ng nakalalasong kemikal sa katawan ng babae.
“Ilan sa pinakamatatandang ceramic works na natagpuan ay phalluses,” wika pa ni Gaston. “Hindi na ito talaga bagong ideya, ginagawa na ito ng mga tao sa loob ng libong taon.”
Pero ang proyekto ay lumikha ng malaking kontrobersiya.
“Ayon sa ilang committee members ito ay magbubunga ng di kinakailangang probokasyon, habang ayon naman sa iba ito ay hindi naaangkop,” paliwanag niya.
Meron pa umanong napaka-primitibong reaksyon, gaya ng “bakit tayo mag-uusap ng tungkol sa sex, dapat tayong mahiya sa bagay na ito.”
Naniniwala si Gaston na para sa maraming lalaki ang ideya ng mga babae na gumagawa ng dildo ay tila isang sampal sa kanilang pagkalalaki.
“Hindi naman namin inoobliga ang lahat na lumahok sa workshop,” paglilinaw niya. “Kung hindi ka interesado, manatili ka na lang sa bahay.”
Maging sa online ay nakatikim si Gaston ng mga pagbatikos.
“May nabasa ako sa Reddit na tinawag akong baliw at naisip ko ‘Maaaring outspoken lamang ako ng kaunti, pero hindi ako sira-ulo,” aniya.
Ang totoo’y hindi rin niya inasahang lilikha ng matinding polarisasyon ang planong dildo workshop sa kanilang grupo. Para sa kanya, ang workshop ay isang magandang plataporma para mapag-usapan sa isang positibo at artistikong paraan ang isyu ng sex.
Samantala, may mga miyembro ding hayagang sumusuporta kay Gaston, kabilang na si Vivian Rodriguez, na naniniwalang ang dildo workshop ay susubok sa paniniwala at moral na ideya ng mga tao.
“At ganundin, magbibigay ito ng magandang pagkakataon para sa mga taong gustong sumubok ng iba’t ibang anyo ng malikhaing ekspresyon, pangkasariang pagkakakilanlan, at sekswal na pagbibigay-kapangyarihan sa pamamagitan ng sining,” ani Rodriguez sa kanyang liham sa governing committee ng asosasyon.
Ganunpaman, minabuti na lamang ng 41-taong-gulang na empleyado ng gubyerno na bumaba sa pwesto bilang boluntaryong lider ng Wellington Potters’ Association.
Hindi ito ang unang kontrobersyal na proyekto ni Gaston. Noong 2018, nakatanggap siya ng award para sa kanyang hinulmang tsasera na tinawag niyang “Vagina Teapot.”