Hindi na itinuturing ng United Nations Commission on Narcotic Drugs (CND) ang cannabis o marijuana na isang mapanganib na narkotiko.
Sa pagrepaso sa serye ng mga rekomendasyon ng World Health Organization hinggil sa cannabis at anumang produktong nagmula dito, tinanggal na ng CND ang marijuana sa kategorya ng mga pinakamapanganib na droga.
Bomoto ang 53 bansang kasapi ng CND para tanggalin ang marijuana sa Schedule IV ng 1961 Single Convention on Narcotic Drugs kung saan ito ay nakalista kasama ng nakamamatay at nakaka-addict na opioids, kabilang na ang heroin.
Dalawampu’t pito ang bomotong pabor sa reklasipikasyon ng marijuana, 25 ang tutol at isa ang nag-abstain.
Ang desisyong ito ay magbibigay daan sa pagkilala sa medicinal at therapeutic na potensyal ng marijuana.
Dagdag pa dito, inaasahang ang desisyon ng UN body ay magtutulak sa mga siyentipikong pananaliksik sa matagal nang sinasabing medicinal properties nito.
Ganundin, inaasahan na sa reklasipikasyong ito ay magkakaroon ng kaukulang pagbabago sa mga batas na gumagabay sa pagbebenta at paggamit ng marijuana sa iba’t ibang bansa.
Sa kasalukuyan, mahigit sa 50 bansa ang ginagamit na ang cannabis bilang gamot habang ang Canada, Uruguay at 15 states sa US ang ginawa nang legal ang recreational na paggamit nito. Ang Mexico at Luxembourg ay nasa proseso na rin ng legalisasyon ng recreational na gamit ng marijuana.
Sa Pilipinas, ang pagbebenta at paggamit ng marijuana ay isang krimen at maraming Pilipino na rin ang namatay sa madugong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga.