Mayor ng Los Baños binaril at napatay sa loob ng munisipyo

cesar-pr

Mayor Caesar Perez

Binaril at napatay si Mayor Caesar Perez ng Los Baños, Laguna sa loob ng munisipyo nitong Huwebes ng gabi, ayon sa pulisya.

Dalawang beses na pinaputukan sa ulo si Perez ng hindi pa nakikilalang salarin.

Batay sa inisyal na ulat ng Laguna police, kagagaling lamang ni Perez sa isang public spa na malapit lamang sa Los Baños Municipal Hall sa Barangay Timugan at naglalakad sa loob ng compound ng munisipyo nang barilin siya dakong 8:45 ng gabi.

Isinugod ang mayor sa HealthServ Medical Center sa Los Baños kung saan siya ay binawian ng buhay habang ginagamot.

Si Perez, na dati ring nanilbihan bilang bise gobernador ng Laguna, ay kabilang sa listahan ng ng national government ng mga opisyal ng gubyerno na umano’y sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.

Mariin itong tinanggihan ni Perez.

Noong Mayo 2017, binaril din at napatay si Ruel Perez, ang nakababatang kapatid ng mayor, sa Barangay Maahas, sa Los Baños.

Mula sa ulat ni Maricar Cinco, Inquirer Southern Luzon

Read more...