“San ka nakatira?”
“Fucking.”
“Hahaha! Loko ka, sabi ko san ka nakatira?”
“Sa Fucking nga!!!”
Sa wakas, matapos ang mahabang panahong ginagawa silang tampulan ng pangungutya at katatawanan lalupa sa social media, ang mga residente ng isang barangay sa Austria, na ang pangalan ay Fucking, ay magkakaroon na ng katiwasayan.
Nagdesisyon ang sangguniang bayan na palitan na ang pangalan ng Fucking, isang barangay na may 100 residente, at gawin itong Fugging simula sa Enero 1, 2021.
Sinasabi ng mga eksperto na ang Fucking ay pangalan ng barangay mula pa noong ika-11 siglo.
Pero ang dumadaming bilang ng mga turistang nagsasalita ng Ingles ay parating nagkakatuwaan at nagpapakuha ng picture sa signpost, na kung minsan ay naka-pose na mahalay para ilagay sa kanilang social media.
May mga insidente pang ninanakaw ang signpost kung kaya’t napilitan ang mga awtoridad na gawing kongkreto na ito para hindi basta-basta pwedeng kuhanin.
Pero ang maging katatawanan sila sa mundo ay hindi na katanggap-tangap para sa mga taga-Fucking.
“Kinukumpirma ko na ang pangalan ng barangay ay papalitan na,” wika ni Andrea Holzner, ang mayor ng Tarsdorf, ang bayang nakakasakop sa Fucking.
“Wala na akong iba pang gustong sabihin–sobra na ang atensyong ibinigay dito ng media,” dagdag pa ni Holzner sa panayam ng regional daily na Oberoesterreichische Nachrichten (OOeN).
Ayon sa Austrian daily Die Presse, ang mga residente ng barangay, na kilala sa tawag na Fuckingers, “ay punung-puno na sa mga hindi magandang biro ng mga bisita.”
Kaya nga’t lahat ay mukhang masaya sa nalalapit na pagbabago ng pangalan ng kanilang barangay.
Magkahalo naman ang reaksyon ng mga netizens sa nalalapit na pagpapalit ng pangalan ng Fucking.
“Wala na bang sense of humor ang mga tao ngayon?” anang isang reader ng OOeN.
Wika naman ng isa: “Nakakakuha sila ng libreng publicity — dapat masaya sila na meron silang nakakatuwang pangalan.”
Naitala ang unang habitasyon sa lugar noong 1070. Noong ika-anim na siglo, ayon sa mga lokal na residente, ay may isang Bavarian nobleman na ang pangalan ay Focko na siya umanong nagtatag ng komunidad.
At noong 1825, isang mapa ang ginawa kung saan tinawag ang barangay sa pangalang Fuking. Hindi malinaw kung paano sa pagdaan ng panahon ang Fuking ay naging Fucking.
Samantala, sa kabila ibayo lamang makatawid ng border sa Bavaria, Germany, isa namang munisipalidad ang may pangalang Petting.