Vice sa ABS-CBN: Pinahirapan ka, binugbog ngunit hindi namatay… sasamahan kita sa iyong pagbangon

MULING ibinandera ni Vice Ganda sa madlang pipol ang kanyang loyalty at pagmamahal sa ABS-CBN.

Isang araw matapos ilunsad ang bagong Christmas Station ID ng Kapamilya Network, nag-post ang Phenomenal Box-Office Star sa kanyang social media accounts ng madamdaming mensahe para sa kanyang mother network.

In fairness, milyun-milyon na ang views na nakuha ng latest Christmas Station ID ng ABS-CBN na pinamagatang “Ikaw Ang Liwanag at Ligaya” dalawang araw pa lang ang nakalilipas.

Isa itong pa-tribute sa lahat ng frontliners na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic, sa mga Filipino na hindi sumusuko kahit ilang kalamidad pa ang dumaan at sa iba pang mga itinuturing na bagong bayani ng Pilipinas.

Sa kani-kanilang socmed accounts, ibinahagi ng ilang Kapamilya stars ang kanilang saloobin at damdamin matapos mapanood ang 2020 Christmas Station ID ng network.

At kabilang na nga riyan ang TV host comedian na si Vice Ganda. Sa  kanyang Twitter account, sinabi niyang napakalaking karangalan para sa tulad niya ang mapabilang sa Kapamilya network.

Pahayag ni Vice, “Isang KARANGALAN ang maging bahagi ng ABS-CBN. Periodt! #IkawAng LiwanagAt Ligaya.” Isa ang TV host sa mga Kapamilya stars na hindi umalis ng istasyon sa kabila ng pagpapasara rito ng Kongreso.

Talagang pinanindigan niya ang pagiging loyal sa ABS-CBN at wala raw siyang pagsisisi sa kanyang naging desisyon.

Bukod sa kanyang tweet, nag-post din ang comedian ng isang open letter para sa Kapamilya Network kung saan nangako muli siya na hinding-hindi niya iiwan ang kanyang tahanan.

“Dear ABS-CBN,

“Saksi ako sa dami ng iyong pinagdaanan ngayong taon.

“Pinahirapan ka. Binugbog ka. Pinagtulungan.

“Patuloy na sinipa habang duguang nakahandusay.

“Pinipilit kitilin ang buhay. Naghingalo ngunit di namatay.

“Sasamahan kita sa iyong pagbangon.

“Sa iyong pagpapalakas.

“At sa muli mong paglipad. Binabati kita!

“Kahit na binalot ka ng dilim ay patuloy kang nagniningning!

“Mahal na mahal kita!” ang kabuuang mensahe ni Vice Ganda.

Read more...