Sa unang pagkakataon, ipinost ni Ka Tunying ang litrato ni Zoey sa kanyang Facebook account matapos nga itong magpakalbo dahil sa kanyang chemotherapy.
Inamin ng news anchor-TV host na hindi niya kinaya ang eksenang kinakalbo na ang kanyang anak na napanood niya sa isang video.
“Hindi ko akalain na papayag si Zoey na ipakita sa madla ang larawan na ito. Nakangiti siya pero alam kong durog na durog ang puso niya nung nag umpisang malugas ang kaniyang buhok dahil sa chemotherapy.
“Nu’ng pumayag si Zoey na magpakalbo at nalaman kong papunta na sa ospital ang misis ko kasama si Ate Tet, umalis na muna ako. Akala ko ay malakas na ako. Marupok pala. May video habang kinakalbo si Zoey. At tuwing makikita ko iyon, hindi ko
Mapigil ang pagpatak ng aking luha,” ang simulang pahayag ni Ka Tunying.
Pero mas lumakas daw ang loob niya nang mismong si Zoey ang nag-post ng litrato niyang wala nang buhok, kahit paano raw ang nabawasan ang pag-aalala niya.
“Ang wala o maikling buhok ang isa sa dahilan ng insecurity ni Zoey. Pero nung makita kong ipinost niya, nagpaalam ako na ipo-post ko rin. Hanga ako sa tapang ng aming panganay. I love you, Zoey,” mensahe pa ni Ka Tunying sa kanyang panganay.
Ito naman ang ipinost ni Zoey sa FB tungkol sa pagse-shave ng kanyang buhok, “I needed to chop off all my hair, and that made me very insecure and sad all the time. I really thought my life would already end there, but no. I stayed strong and did my best. I want to say thank to everyone who helped me.”
Bukod dito, isa pang mahabang kuwento ang ibinahagi ni Anthony sa FB kung saan nabanggit niya kung paano nila nalaman na may leukemia ang anak.
Kalakip ang ilang litrato nila ni Zoey kasama ang asawang si Rossel at bunsong anak na si Helga na kuha sa hospital room ng bagets, narito ang buong FB status ni Ka Tunying.
“Good Job Zoey at higit sa lahat, salamat ng napakarami sa Panginoong Diyos at sa nag-iisang Tagapamagitan, Ang Panginoong Jesus.
“Eksaktong isang taon na pala mula nung subukin ang aking pamilya ng isang karanasang hindi namin makakaya kung kami lamang.
“Bandang alas dos ng madaling araw, ginising ako ni Zoey na umiiyak dahil napakasakit daw ng kaniyang mga binti hanggang sa kaniyang hita.
“Nanalangin kami ng taimtim sa Ama at saka nagpasyang magtungo sa Delos Santos Medical Center. Andun kaagad ang aking Kumpadreng Doktor, si Doc Frank Detabali. Inasikaso kami pati ng kaniyang anak na Doktor din na aking inaanak na si Paola.
“Si Doc Frank ay isang orthopedic surgeon, akala kasi namin ay isang sakit na may kinalaman sa buto ang sanhi ng mga kirot na idinadaing ni Zoey. Ngunit mas malubha pala. Si Zoey ay inilipat namin sa katabing hospital na St Lukes sa pangangalaga ni Doc Allan Robert Racho.
“Doon nakumpirma, ang aming panganay ay may bone marrow disease na sa bandang huli ay natukoy bilang LEUKEMIA. Parang guguho ang mundo naming mag-asawa lalo’t si Zoey na noon ay 11 taong gulang pa lamang, ay nakikita naming nahihirapan.
“Walang tigil ang aming pananalangin, kahit gusto sana naming ikubli sa aming anak ang pagluha upang ipakita sa kaniya na kami’y matapang at malakas subalit tuwing kami’y dudulog sa Diyos ay hindi maiwasan na kami’y tumangis,” lahad ni Ka Tunying.
Aniya pa, “Ang pangunahing laman ng aming mga pagdaing – alisin ang kirot at hapdi at kung puwede ay ako na lamang bilang ama ang magdanas para sa aming anak.
“Oo nga at may magaling na Doktor, oo nga at merong mga gamot at pasilidad subalit lahat ay walang halaga kung hindi ipapahintulot ng Diyos na si Zoey ay gumaling. Pabalik balik ang aming anak sa ospital subalit ang hindi namin kinalimutan ay ang tagubilin ng aming Namamahala, ang Kapatid na Eduardo Manalo na ipagpatuloy ang pagpapanata at pagpapahid ng langis kay Zoey na kalooban ng Panginoong Diyos.
“Sa ngayon, patuloy na gumagaling si Zoey. Isang taon mula nang gisingin niya ako noong December 2 ng madaling araw, gising na gising ang aking kamalayan kung gaano kahalaga ang buhay ng tao subalit sa isang iglap ay andyan lagi ang takot na maaaring mawala ito.
“Salamat sa Panginoong Diyos at Kay Cristong Tagapagligtas, salamat sa Pamamahala, salamat sa mga Doktor at narses, salamat sa mga kaibigan at kamag-anak, salamat sa lahat ng nanalangin, salamat din pala kay Ninong Ramon S. Ang na siyang nag-endorso sa amin sa eksperto sa Cancer na si Dr. Allan Racho at salamat din sa mag-asawang Rommel at Jennifer Dela Cruz na gabi gabi ay nagpapahid ng langis kay Zoey.
“Salamat sayo, Anak… Zoey… inspirasyon ka namin dahil sa yong katapangan at lakas. Wag kang mag-alala, maganda ka pa rin! Mahal na mahal ka namin ng Mommy mo at ni Helga,” pagtatapos na mensahe ni Ka Tunying.
Samantala, bumuhos naman ang inspiring message mula sa netizens para kay Zoey. Anila, ipagdarasal nila ang mabilis na paggaling ng anak ni Anthony kasabay ng pagsasabing huwag itong susuko sa laban.