KINAKARIR na talaga ni “TV Patrol” anchorwoman Bernadette Sembrano-Aguinaldo ang pagiging singer.
Siya ang sumulat ng lyrics at naglapat ng melody ng awiting “Yakapin ang Pasko” at siya na rin ang nag-record. Kasunod nito, labas na agad sa Spotify at YouTube channel ng ABS-CBN Star Music.
“I wrote both lyrics and melody and sang it too. One week lahat ang production,” sagot sa amin ni Bernadette nang tanungin namin kung ilang araw itong ni-record.
Matagal na raw nasa utak ni Badette (tawag namin sa kanya) ang melody ng kanta at lagi niya itong hina-hum at sa loob lang ng isang gabi ay natapos niyang sulatin ang lyrics. Si Homer Flores naman ang nag-arrange ng song.
Kuwento pa sa amin ni Bernadette, “Nu’ng bago mag-quarantine, active ako sa choir, tapos nu’ng nagka-quaratine hindi ko na nakakausap ‘yung choirmates ko, wala na silang lahat. Maski si Jonathan (Manalo) hindi rin kami in touch nu’ng time na ‘yun.
“Tapos tinawagan ko si tito Jose Mari Chan, kinumusta ko siya kasi narinig ko ang boses niya garalgal, sabi niya hindi raw siya kasi makatanggi sa mga nag-iimbita sa kanya. Then kumustahan tapos napagkuwentuhan namin ang music hanggang sa pinadadalhan niya ako ng music niya, inspirations niya nu’ng bata siya growing up.
“Tapos sabi ko nakagawa ako ng Christmas song na mag-hum lang ng melody, then nakumpleto ko tapos sinend ko kay tito Joe tapos payo niya, ‘why don’t you get an arranger so just try finishing a song.’
“Yun ang sabi niya para lang makumpleto ‘yung awit tapos ask ko sino maire-recommend niya tapos sinend niya number ni Homer na hindi ko alam sobrang galing pala ng taong yun, Henyo!
“Tapos si Homer naman, wala naman kaming deadline sabi lang niya, ‘ang ganda ng kanta mo, sige gagawin ko para makita mo ang ganda ng ginawa mo.’ Tapos tinapos niya (arrangement) in a day at dahil nahiya ako sa kanya, tinapos ko ang lyrics ko sa isang gabi lang,” kuwento ni Bernadette.
Hindi naman kataka-takang matapos ni Bernadette ang pagsusulat ng isang kanta dahil writer siya at sanay siya sa madaliang deadline lalo na’t ang inspirasyon niya ay ang mga taong nakakasalamuha niya.
“Galing mismo sa mga tao, these are true stories na na-witness ko sa field (work) dahil sa mga tao, yung parol na isinabit nila na kahit wala na silang bahay sinasabit pa, pati Christmas tree,” pagtatapat ng news anchor.
At heto pa, talagang level-up na ang singing career ni Badette dahil ipo-promote niya ito sa “ASAP” at “It’s Showtime.”
“Ha-hahaha! Naiiyak nga ako nu’ng nag-duet kami ni Ogie (Alcasid) ng kanta ko, kasi inisip ko, anong ginagawa ko dito sa ASAP stage, hindi ko linya ito. Siyempre di ba, iba naman ang ginagawa ko tapos all of a sudden nandito ako sa ASAP stage kasama ang mga singer?
“Sa December 13 (Sunday) mapapanood ang duet namin. This coming Thursday (bukas, Dec. 3) naman ang guesting ko sa Showtime,” kuwento ni Bernadette.
Samantala, almost 12,000 na ang views ng “Yakapin ang Pasko” sa YT at hindi rin makapaniwala ang mga nakarinig nito na si Badette ang kumanta.
Narito ang ilan sa mga nabasa naming komento.
Mula kay @Cuddle Boi, “Wait? Bernadette Sembrano? The reporter? She is such a revelation. She’s giving me a Jamie Rivera vibe. Her voice is so heavenly.”
Sagot naman ni @Ymman Jake Biaco, “Yeah, she wrote Ang Sa Iyo ay Akin too.”
Sabi rin ni @gabbo comya, “Wow I didn’t expect that Miss Bernadette Sembrano has an angelic voice, I’m hoping that she will have a singing career.”
Goosebump naman ang naramdaman ni @Jee Calms Mateo, “Grabe. Sinearch ko talaga to. Ms bernadette grabe ang emosyon. Kakakilabot tindig balahibo. Huhuhu.”
Napagkamalan namang miyembro ng The Company ni @Choystacular ang news anchor, “Parang The Company, aaalala ko sa boses ni Ms. Sembrano.”
May kababayan naman si Bernadette, si @khilatt krungkrung na nagsabing, “Wow Kailyan ibang level ka na talaga ma’am. A fan from Baguio City.”
Ang “Yakapin ang Pasko” ay ni-release ng ABS-CBN Star Music at co-produced ni Bernadette na ang biro namin ay forever na siyang makakakuha ng royalty dahil siguradong tuwing Christmas season ay patutugtugin ito.