Ben&Ben 2020 Spotify ‘Most-Streamed Artist’ sa Pinas; pasok din sa ROUND music fest sa Korea

MULING pinatunayan ng sikat na sikat na OPM group na Ben&Ben ang kanilang powers at magic sa madlang pipol matapos hiranging Philippines’ most-streamed artist on Spotify ngayong 2020.

Natalo nila sa kategoryang ito ang Korean pop boyband na BTS na nasa ikalawang pwesto na sinundan ni Taylor Swift sa third spot. Ikaapat sa listahan si Justin Bieber at nasa Top 5 naman ang Korean pop girl group na BLACKPINK.

Bukod dito, ang Ben&Ben din ang number one OPM Artist for 2020 ng nasabing music streaming platform. Pasok din sa Top 5 most-streamed local artists sina Moira dela Torre, Matthaios, December Avenue at Parokya Ni Edgar.

Ang version naman ng Ben&Ben ng classic hit na “Make It With You” ang nasa ikatlong pwesto ng most-streamed tracks sa Pilipinas. Number one ang “Imahe” ng Magnus Haven.

Nasa Top 5 din ang “Intentions” ni Justin Bieber, “Beautiful Scars” by Maximillian at “Someone You Loved” ni Lewis Capaldi.

Sa pamamagitan ng Facebook, nagpasalamat ang Ben&Ben sa lahat ng kanilang fans at sa mga taong patuloy na nakikinig sa kanilang musika.

“You don’t get to # 1 without the hearts of people who lift you up and the stories that connect us all. Thanks for making us the 2020 Top Streaming Artist in the Philippines, on Spotify. This is for all of us,” ang mensahe ng award-winning OPM group.

But wait, there’s more! Ang Ben&Ben din ang magiging representative ng bansa para mag-perform sa Association of Southeast Asian Nations-Korea ROUND Music Festival sa Dec. 6. Ipalalabas ito sa ROUND YouTube channel.

Isa pa sa mga achievements ng grupo ngayong taon ay ang pagpasok nila sa Top 30 (#29) sa global Billboard Social 50 chart.

Read more...