SIGURADONG maraming tatamaan sa payo ni Megastar Sharon Cuneta tungkol sa paggamit ng magaganda at mamahaling pinggan at kutsara sa bahay.
May mga Filipino kasi na bumibili ng sosyal at bonggang dinnerware at kitchenware pero hindi naman pala nila gagamitin at idi-display lang sa kanilang mga tahanan.
Ang drama naman ng ilan sa atin, ilalabas at gagamitin lang ang mga mamahaling pinggan at kutsara’t tinidor kapag may okasyon o may mga espesyal na bisita.
Sa second part ng condo tour vlog ng mga komedyanteng sina Chad Kinis MC (Muah Calaquian) at Lassy Marquez o mas kilala ngayon sa vlogging world bilang Beks Battalion sa bahay ng Megastar, ipinakita naman ng singer-actress ang kanyang mug collection.
Aniya, dumami ang kanyang mga mugs dahil sa regalo ng mga kamag-anak at mga kaibigan, bukod pa sa talagang bumibili siya kapag may nagustuhan siyang bagong design at style.
Talagang sariling lagayan at pwesto ang mga ito sa kanyang sosyal na condo.
“Ayokong i-display ‘yung mga mugs nang very casual,” sabi ni Mega sabay turo sa mga cabinet na pinaglalagyan ng koleksyon niya ng mga mugs.
Dito na humirit si Chad Kinis at naikuwento nga na mas gusto raw i-display ng nanay niya ang espesyal nilang dinnerware kesa gamitin nila ito araw-araw.
Reaksyon naman ni Sharon, “Ang advice ko is you never know kung gaano kahaba ang buhay mo. You enjoy your things, don’t save them for special occasions.
“Kung puwede nga gamitin mo the best every day, wala namang masama, ‘di ba? Kasi kailan mo gagamitin, ‘di ba?” aniya pa.
“Kayo ‘yung gumagamit everyday, why not enjoy them? Pinaghirapan n’yo. Huwag n’yo na lang bilhin kung idi-display n’yo lang, ‘di ba? Ako lahat, I like to bring out the best kapag may guests, but even kami. Spoil yourselves,” paliwanag pa ng movie icon.
Nagbigay din siya ng tips sa mga homeowners para mapanatiling mabango at fresh ang ating mga tahanan.
“Kung meron kayong mga bote ng pabango na nireregalo na hindi niyo naman ginagamit, you can use that. Kasi sayang.
“Tapos para hindi kayo ma-stress, kunyari today you clean only your dining room, you clean your living room.
“And then you dust the little things also. Huwag niyong kalilimutang punasan ‘yan. Walis and vacuum. Hindi dapat minamadali (ang paglilinis),” chika pa ni Sharon.
Samantala, pumayag si Sharon na i-tour ang tatlong comedian sa kanyang condo para sa YouTube channel ng Beks Battalion dahil love na love raw niya ang mga ito.
At talaga raw na gusto rin niyang makasama ang tatlong stand-up comedian sa isang vlog na hindi pa niya nagagawa.
In fact, ito ang unang pagkakataon na ipinasilip niya sa publiko ang ilang bahagi ng kanyang condo unit.