DUMAAN sa audition si Ricky Gumera ang gaganap na Kyle sa pelikulang “Anak ng Macho Dancer” na idinirek ni Joel Lamangan at ipinrodyus ni Joed Serrano ng Godfather Productions at ng Black Water.
Kuwento ni Ricky sa ginanap na “meet the press” nitong Linggo sa The City Club Alphaland, wala raw talaga sa plano niya ang mag-artista dahil nga pasampa na siya ng barko noong pagpasok ng 2020 hanggang sa magkapandemya na nga.
“E, hindi po ako natuloy sumampa kasi po nagka-COVID at siguro naman nabalitaan ninyo na maraming pinababang seaman,” pahayag ni Ricky.
Hanggang sa sinabihan siya ng manager nyang si Meg Perez na, “Try ko raw mag-audition para sa Anak ng Macho Dancer. Nu’ng nag-audition ako, nandu’n si Direk Joel Lamangan kinakabahan nga po ako dun, eh. In-interview ako roon.
“Then, pinaghubad ako, damit at shorts. Naka-briefs lang ako. Tinanong ako kung anong kaya kong gawin. Sabi ko, wala akong experience sa pag-aartista. Sa pageant lang at modelling. Hindi ko naman ini-expect na makukuha ako sa pelikula,” kuwento ng binatang tubong-Cavite.
Marami raw love scenes si Ricky sa pelikula, “Opo! Marami akong love scenes. Basta ang masasabi ko lang po, aabangan ninyo itong ‘Anak Ng Macho Dancer’, lalo na ‘yung character ko. Hindi ko ini-expect na magagawa ko ‘yung mga ipinagawa sa akin sa movie.”
May frontal nudity si Ricky sa pelikula na hindi rin inaasahan nina direk Joel at Joed na gagawin iyon ng bago nilang artista.
“Kung anumang meron ako, proud ako sa sarili ko. Parang gusto kong ipakita kung anong meron ako,” nakangiting sabi ng binata.
Inamin naman ni Joed Serrano na hindi dapat si Ricky ang gaganap na Kyle dahil may iba silang gusto para rito, pero tumanggi sa frontal nudity. Nang tanungin na ang binata kung kaya niyang gawin ay umoo naman agad. At nagulat pa ang lahat dahil take one ang mga eksena.
At sa tanong kung okay lang na pagpantasyahan siya ng mga bading, “Sa akin naman, walang problema ‘yun. Para sa akin, isang malaking karangalan na napansin nila ako.”
Kinlaro ni Ricky na wala siyang natanggap na indecent proposal at ayaw niya ang terminong “indecent” dahil naniniwala siya na ang pagmamahal ay pantay-pantay, puwede sa lalaki, babae, bakla at tomboy.
Kung magmamahal siya ng tao, hindi niya titingnan ang kasarian nito basta’t mahal niya wala siyang pakialam.
Kasama ni Ricky si Jay Manalo sa “Anak ng Macho Dancer” at sobrang napahanga ang una sa premyadong aktor.
“Nu’ng shooting namin, sobra ko pong hinangaan si Jay Manalo. Kasi every time na magri-rehearse, tapos take na, lagi siyang take one. Nakita ko kung gaano siya kagaling umarte. Sabi ko po sa sarili ko, sana balang araw, maging ganu’n din ako kagaling gaya ni Sir Jay,” sabi ni Ricky.
At dahil tinaguriang bagong Totoy Mola ay natanong siya kung kaya niya ang mga ginawa ni Jay sa pelikulang nagpasikat sa kanya nang husto, “Hindi po sa pagbubuhat ng sariling bangko, kayang-kaya ko po talagang lagpasan,” sambit nito.
Samantala, diretsahang inamin ng baguhang aktor na posible niyang mahalin ang producer ng pelikula nila na si Joed Serrano dahil nga mabait at walang ere sa katawan bukod pa sa maalaga sa mga taong malapit sa kanya.
“Sa palagay ko, sobrang suwerte ni pulis (boyfriend ni Jay) na meron siyang isang Joed Serrano. Bakit? Kasi si Sir Joed, napaka-generous niya, kaya hindi siya mahirap mahalin.
“Ang mahirap lang, kung mapapansin ba niya ba ako. Sinasabi niya kasi sa amin, marami siyang manliligaw at may mga artista pa. Malabong pansinin niya ako kasi, isang baguhan pa lang ako sa showbiz,” nakangiting sabi ng binata.
Sa ngayon ay walang karelasyon si Ricky dahil kakahiwalay lang nila ng nobya niyang nasa ibang bansa.
“Mahirap po kasi ang LDR (long distance relationship) akala namin noong una kaya, pero hindi pala, mahirap po, eh kaya nag-decide na lang kaming maghiwalay, okay po kami magkaibigan,” pagtatapat nito.
Anyway, abangan ang premiere night ng “Anak ng Macho Dancer” sa UP Film Center ngayong Disyembre.