WALANG takot na naghubad sa harap ng ilang miyembro ng entertainment media ang baguhang aktor at model na si Ricky Gumera.
Ang bongga ng pa-presscon ng Megamodels Events and Talent Management para sa Mister Global Philippines 2019 kahapon na ginanap sa isang events place na may swimming pool kung saan nga rumampa ang binata.
Umapir sa venue (lahat ng naroon ay nag-practice ng social distancing with face mask and face shield) nang naka-formal attire si Ricky at isa-isa nga niya itong hinubad habang kinukunan at bini-video ng mga reporters and vloggers.
Hanggang sa trunks na lang ang natira sa katawan niya na ikinabigla ng lahat ng tao sa venue. Ilang sandali pa ay tumalon na sa swimming pool si Ricky at nang umahon ay muling hinubad ang suot na trunks. But wait, may suot pa pala siyang mas skimpy na trunks kaya mas tumambad ang kanyang “kabukulan.” Ha-hahaha!
Mas pinatunayan pa ni Ricky ang kanyang tapang sa hubaran nang magpa-interview sa press na naka-boxer briefs lang kung saan diretsahan niyang sinabi na meron naman siyang ipagmamalaki kaya wala siyang arte pagdating sa pagpapakita ng katawan.
Kasama si Ricky sa pelikulang “Anak ng Macho Dancer” ni Joel Lamangan. Gagampanan niya ang role bilang si Kyle na inabuso ng sariling ama na gagampanan naman ni Jay Manalo.
Ang talent ni Meg Perez ng Mega Models Events and Talent Management ang sinasabing bagong Totoy Mola na unang ginampanan ni Jay Manalo sa movie.
Sey ng aktor “Sobrang nakakatuwa kasi Jay Manalo ‘yan, eh! Trademark niya ‘yan. Kapag binansagan kang bagong Totoy Mola, pabor sa akin ‘yan. May maipagmamalaki naman ako! Makikita n’yo sa movie.”
Malaki daw ang naging adjustment ni Ricky mula sa pagiging modelo patungo sa pag-aartista, “Ang laki po talaga ng adjustment ko. Kasi nga wala akong experience sa acting. Fulfillment sa akin ‘yung role na binigay ng Godfather Productions. Challenging, markado.”
Makakasama rin sa movie sina Jaclyn Jose at Emilio Garcia, Allan Paule at Rosanna Roces.
Excited na si Ricky na magkaroon ng premiere night ang pelikula nilang “Anak ng Macho Dancer” sa December.
Balak ng producer ng pelikula, ang Godfather Productions ni Joed Serrano, na gawin ang premiere night sa UP Film Center para sa uncut version, mula sa direksyon ni Joel Lamangan.