Buti na lang hindi kami sa beerhouse nagbibidyoke, malamang nasaksak na kami

MISS na miss na ni Ice Seguerra ang yumaong ama kaya naman muli siyang napa-throwback para alalahanin ang kanilang bonding moments noong bata pa siya.

Ayon sa OPM icon, napakarami niyang happy memories kasama ang tatay niyang si Decoroso Seguerra o Daddy Dick na hanggang ngayon ay binabalikan niya lalo na kapag inaatake siya ng kalungkutan.

Sa kanyang Instagram page, nag-post si Ice ng litrato kasama ang mga magulang habang sila’y nagkakantahan. Isa raw ito sa mga paborito nilang bonding moments noon na talagang tine-treasure niya.

Ayon kay Ice, nakuha niya sa kanyang tatay ang pagiging singer pero ang nanay niyang si Mommy Caring naman ang nag-push sa kanya para karirin ang pagkanta.

“Iba pala talaga yung tama kapag gabi na. Tahimik na lahat at ikaw na lang ang gising. Maaalala mo na naman lahat.

“Si mama ang unang nagturo sa akin kumanta pero kay erpats ko nakuha yung hilig sa pagkanta.

“Mula sa paggitara, multiplex, tapos sa bidyoke. Kilala kami parehong hindi namimigay ng mic. Buti na lang hindi kami sa beerhouse nag bibidyoke kasi malamang nasaksak na kami.

“Sa cellphone niya, makikita mo dun lahat ng numero na kailangan pindutin para sa mga favorite songs niya,” simulang pahayag ng singer-actor.

“Nung naging bedridden na si Pogi, kahit mahina ang signal sa condo, pinapatos na niya para makapag karaoke sa YouTube. Tapos dinala ko yung karaoke machine namin tsaka yung wireless mic, ayun, sayang saya. Buti di nagreklamo mga kapitbahay.

“Kahit nung malapit na siya mawala, papakantahin niya ako at pipilitin pa rin niyang sumabay, kahit nahihirapan na.

“We would sing for him. Ako, mga apo niya, mga bisita. Kahit may sakit siyang nararamdaman, you could see his eyes light up. Pati mga mata niya, nakikikanta.

“Ngayon, tahimik. Nakakabingi. Namimiss ko yung boses mo, Pogi,” mensahe pa ng asawa ni Film Development Council of the Philippines chairperson Liza Dino.

Sa Instagram din idinaan ni Ice ang malungkot na balita tungkol sa pagpanaw ng kanyang ama, “Our family is saddened to announce the passing of our beloved, Decoroso ‘Dick’ Seguerra. Umakyat na siya sa heaven bandang tanghali ngayong Nov. 15, 2020 para makipag videoke kina Matt Monroe at Frank Sinatra.

“An awesome father, husband, brother, lolo, friend, leader; he has touched many lives by his kindness, gentle support and most of all, his sense of humor.”

“Makakapahinga ka na, OG Pogi. No more pain. We love you always and forever, Daddy.”

Read more...