Paglobo ng kaso ng Covid-19 sa Kamara iniimbestigahan ng QC-CESU

Iniimbestigahan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang kaso ng COVID-19 sa House of Representatives kasunod ng naitalang mahigit sa 40 bagong tinamaan ng nakahahawang virus.

Hiniling ng Quezon City-CESU ang Kamara na isumite sa kanila ang kumpletong listahan ng mga COVID-19 cases at hindi umano ito dapat naantala.

Ayon kay Quezon City-CESU Director Dr. Rolly Cruz ang mahigit 40 cases na kanilang naitala ay pawang naninirahan sa Batasan at kalapit na barangay at ang workplace na kanilang inilagay ay sa Kamara.

“Sa mga cases na hawak namin sinasabi nila na nakuha nila ang virus sa loob ng Kamara, sa mismong pinagtatrabahuhan nila, kaya ito ngayon ang aming iniimbestigahan kung paanong nagkahawahan,” pahayag ni Cruz.

Inamin ni Cruz na dahil pending ang report ng Kamara kaya nahihirapan silang i-trace kung ilan ang tunay na COVID cases, aniya,kahit nagsasagawa na sila ng contact tracing ay nagiging limitado lang din dahil sa kawalan ng full disclosure.

Sa tanong kung masasabing outbreak na ang mga COVID cases sa mababang kapulungan at maaaring ipasara ang tanggapan, sinabi ni Cruz na kanila itong ie-evaluate sa oras na makuha nila ang report.

Una nang nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kawani ng Kamara kina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero, Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag umano sa quarantine protocol.

Ang mga House leader ay may direktang exposure kay TESDA Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus dahil magkakasama silang dumalo sa isang dinner meeting.

Sa pahayag sinabi ni Romero na nag-negatibo naman sila sa isinagawang COVID-19 test pero sa ilalim ng health guidelines ng Department of Health (DoH) na kahit negative sa test ay dapat pa rin na sumailalim sa 14-day quarantine.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang COVID patient kahit pa man nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring mag-develop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

Ayon sa ulat, kasama ng mga house leaders sa isang dinner sa Shangri La Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19 makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña.

 

Read more...