Hirit ni Ruffa kina John Lloyd, Aga at Zoren: Jinowa ko na yan!

“JINOWA ko na ‘yan!” Ito ang sagot ni Ruffa Gutierrez sa tanong kung jojowain o totropahin sina John Lloyd Cruz, Aga Muhlach at Zoren Legaspi.

Isa yan sa mga bonding moment ng cast members ng romantic comedy series na “Stay In Love” kung saan sumalang si Ruffa sa nasabing challenge kasama sina Maris Racal, Meanne, Welwel, Charm, Elsa Droga at Pooh.

Napanood na namin ang nasabing serye sa TV5 tuwing Martes, 9:30 p.m. sa direksyon ni Rod Marmol.

Base sa napanood naming vlog ni Maris Racal sa kanyang YouTube channel na may titulong “JOJOWAIN O TOTROPAHIN NG STAY-IN LOVE CAST” ay nagulat sila sa sagot ni Ruffa.

Nasa set sila ng “Stay In Love” at kinunan nga ito habang break pa sila.

Isa-isa munang nagpakilala ang lahat at kung ano ang mga role na ginagampanan nila sa nasabing TV series.

Unang binanggit ang pangalan ni Ejay Falcon at dalawang bading ang sumagot ng “jowa” at lahat ay “tropa” pero pagdating kay Maris, “feeling ko, jowa.” Kaya nagkatawanan ang lahat.

Ikalawang pangalan ay si Carlo Aquino, “Crush ko ‘yan, love na love ko ‘yan, jowa!” ang sagot ni Pooh. “Tropa” naman ang kay Ruffa habang si Maris ay, “Ako tropa kasi kuya-kuyahan ko siya.”

Ganu’n din ang sagot ng iba dahil nasubaybayan daw nila ang paglaki ni Carlo sa showbiz.

Maya-maya ay nagpakita si Kokoy de Santos sa grupo at nag-hello pero napansin ni Ruffa na biglang tumahimik si Maris kaya tinanong niya kung bakit at sabi ng dalaga, “Nahihiya po kasi ako,” sabay paalam sa aktor.

Pero tinanong kung bakit walang flying kiss at lumapit naman si Dodong sabay lapit sa kanyang leading lady na si Diding.

Ikatlong pangalan na binanggit ay si Gerald Anderson, tinukso si Ruffa dahil hinihimas ang mahaba nitong buhok na nakangiti pero aniya tropa lang ang tingin niya sa aktor, “Pero cute siya, ha!” sambit pa ng mommy nina Venice at Lorin.

Say naman ni Maris, “Ako tropa kasi same kami ng handler kaya growing up kuya ko na talaga siya.”

Si Ricci Rivero naman ang pang-apat na binanggit, sagot ni Pooh at ng ilang bading na kasama ay jowa, si Maris ay tropa at si Ruffa ay tiningnan muna ang larawan ng basketbolista saka sinabing, “Okay jowa.”

Sumunod ang pangalan ni John Lloyd Cruz, halos lahat ay jowa ang sagot, maging si Maris ay jowa rin, si Pooh ay tropa dahil tropa naman talaga niya ang aktor, pero pagdating kay Ruffa, “Jinowa ko na yan!”

Hayun, nabaliw ang lahat kaya hiyawan to the max ang grupo.

Binanggit ang pangalan ni Pasig Mayor Vico Sotto at lahat sila ay “jowa” ang sagot.

“Puwedeng Tito?” ang sabi naman ni Maris nang mabanggit ang pangalan ni Derek Ramsay pero sa huli ay sinabi niyang jowa habang sina Pooh at Ruffa naman ay tropa lang ang tingin sa hunk actor.

Parang hindi feel ng lahat sina Kiko Estrada, Enchong Dee, JC de Vera, JC Santos at Jericho Rosales dahil lahat sila ay tropa ang sagot.

“Jowa” ang sagot ng lahat nang banggitin ang pangalan ni Ian Veneracion na may show din sa TV5, ang “Oh My Dad”.

At kay Daniel Padilla, “Kung hindi ko siya inaanak, jowa,” sagot ni Ruffa. Hirit naman ni Pooh, “Jowa rin kung hindi ako artista at hindi ko kaibigan ang nanay niya.”

Unanimous decision naman ang lahat ng banggitin si Empoy Marquez, “masarap ka-tropa ‘yan,” saad ni Pooh.

At bago magtapos ay tinanong ni Ruffa si Maris kung jojowain o totropahin niya si Kokoy, “jojowain” ang mabilis na sagot ng dalaga kaya hiwayan to the max ang lahat.

Samantala, napanood namin ang video na ipinost ni Pooh sa kanyang Twitter account na kinunan nang palihim sina Kokoy at Maris habang nag-uusap sa couch.

Tinungkod ng aktor ang kaliwang palad sa mukha niya malapit sa aktres na humilig pa lalo sa couch at biglang nagtawanan at sabay himas ng binata sa mukha ng dalaga.

May narinig kaming voice over na, “Naku-naku, maraming lovelife na masisira, ano ba pinag-uusapan?”

So, alam na kapag naging magkarelasyon sa tunay na buhay sina Kokoy at Maris.

Read more...