Budgetary power versus power of the purse

Ang Budgetary Power ng Pangulo ay nasa Section 22, Article 7 ng Constitution kung saan tinakda na ang Pangulo ay dapat magharap sa Kongreso tatlumpung-araw mula sa bawat pagbukas ng regular session (4th Monday of July) ng isang National Expenditure Program (NEP). Ang NEP o ang proposed budget para sa susunod na taon ay siyang magiging batayan ng Kongreso para magpasa ng isang General Appropriation Bill (GAB).

Ang taunang NEP o proposed budget ay ginagawa ng Department of Budget and Management (DBM) kung saan nakalagay dito ang mga gastusin o budget ng lahat ng ahensya ng gobyerno sa susunod na taon. Para sa darating na 2021, ang DBM ay nag-submit sa House of Representatives ng NEP o proposed national budget sa halagang P4.506 trillion na hindi naman maaaring dagdagan o taasan ng Kongreso dahil ito ay pinagbabawal sa Article 6, Section 25 (No. 1) ng Constitution.

Pinagkaloob ng Constitution sa Pangulo ang Budgetary Power dahil mas nasa posisyon itong malaman kung ano ang mga kailangan ng mga iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa mabuting operasyon nito.

Ang Power of the Purse o kapangyarihang maglaan (appropriation) ng pondo ng gobyerno para sa mga gastusin at operasyon nito ay nasa kamay naman ng Kongreso, partikular sa House of Representatives (Kamara). Nasa kapangyarihan ng Kongreso na baguhin ang mga proposed budget na nakalagay sa NEP. Kaya maaaring gawin ng Kongreso na dagdagan o bawasan ang budget na nirekomenda ng Pangulo o DBM sa isang proyekto o sa isang ahensya ng gobyerno. Ang pinagbabawal lang ng Constitution ay taasan ang total budget na nirekomenda ng Pangulo sa Kongreso.

Dahil sa power of the purse ng Kongreso, ang lahat ng proyekto ng Pangulo at ng executive department ay maaaring hindi matuloy kung hindi ito bibigyan ng pondo ng Kongreso. Maski gustuhin ng Pangulo na bigyan ng pondo ang isang ahensya ng gobyerno o tustusan ang isang proyekto nito, wala naman itong kapangyarihan magpalabas ng pera sa National Treasury dahil ang kapangyarihang ito ay natatangi lang sa Kongreso. Sa madaling salita, ang Pangulo o ang executive department ay maaari lang mag rekomenda o magsabi kung ano ang dapat gastusin para sa isang operasyon o proyekto ng gobyerno at ang Kongreso ang may kapangyarihang magbigay ng pondo para dito.

Kung hindi bibigyan ng pondo ng Kongreso ang operasyon o proyekto sa pamamagitan ng pagpasa ng isang batas, walang tutustusin na pera para suportahan ang proyektong ito. Malinaw ang Constitution (Section 29, No. 1, Article 6) na walang lalabas o hindi dapat magbayad ng salapi mula sa National Treasury maliban kung ito ay ayon sa batas na ipinasa ng Kongreso (no money shall be paid  out of the Treasury except in pursuance of an appropriation made by law).

Tandaan naman na ang lahat ng appropriation bill ay dapat magmula sa Kamara. Kung ang Kamara ay hindi magpapasa ng isang appropriation bill, ang Senado ay walang magagawa dahil ayon sa Constitution ang lahat ng appropriation bill ay dapat magmula sa Kamara. Ito ang dahilan kaya ang power of the purse ay sinasabing natatanging kapangyarihan ng Kamara. Ngunit kapag naipasa na ng Kamara ang isang appropriation bill at ito ay nadala na sa Senado, ito ay maaari namang palitan, baguhin o rebesahin ng Senado.

Ang Power of the Purse ng Kongreso ay maaari namang makontra o mapawalang-bisa ng Pangulo. Ito ay ang paggamit ng Pangulo ng kanyang veto power. Binigyan ng kapangyarihan ang Pangulo sa ilalim ng Constitution na mag line veto. Ang ibig sabihin nito, pwedeng i-veto o hindi aprobahan ng Pangulo ang ilang probisyon ng appropriation bill, gaya ng isang general appropriation bill, na hindi maapektuhan ang kabuuan nito. Kaya kung sakaling maipasa ng Kongreso ang general appropriation bill for 2021 maaaring i-veto ng Pangulo ang mga ghost project at skeleton government project na nakasingit dito. Nasa kapangyarihan din ng Pangulo na i-line veto ang mga naglalakihang infrastructure project sa general appropriation bill na kung saan maaaring pinansyal na makikinabang ang mga mambabatas.

May mga probisyon naman sa Constitution na kung saan nililimitahan ang Budgetary Power ng Pangulo at ang Power of the Purse ng Kongreso. Tiniyak ng Constitution na ang taunang budget ng buong Judiciary ay hindi dapat mas mababa sa nakaraang taon. Binigyan din ang Judiciary at ang mga Constitutional Commission (COMELEC, Civil Service Commission at COA) ng fiscal autonomy.

Read more...