NAGKAKAPERSONALAN na ng joke ang mga host ng “It’s Showtime” partikular na si Ryan Bang na may pinatutungkulan tungkol sa umalis na taga-production.
Sa isang segment ng programa ay nabanggit ni Ryan na, “Basta ako hindi lumilipat ng channel.”
Obviously ang direktor na si Bobet Vidanes ang pinatatamaan ng binatang Koreano na balitang lumipat na rin sa TV5.
Mainit na pinag-uusapan kung may nakaaway ang direktor ng “Showtime” para mag-trigger na lisanin niya ang programa na minahal na niya ng ilang taon. Pero ang sabi sa amin wala naman daw.
Sa pagkakatanda namin ay may mga nakakasamaan ng loob si direk Bobet sa hosts at sa production pero hindi naman nagiging dahilan para umalis siya ng ABS-CBN.
Nagtanong kami sa mga taga-TV5 na ang mga production staff ay galing ng “Showtime” at “ASAP” dahil tinanggal sila sa trabaho kaya kailangan nilang lumipat ng network.
Iisa ang sagot sa amin, “Wala po kaming alam, basta nabalitaan na lang namin, nandito na siya.”
May natanungan kaming executive ng TV5 at ang sagot naman niya sa amin, “We offered him, tinanggap niya, ganu’n kadali.”
Binalikan namin ang taga-Dos kung bakit umalis si direk Bobet sa “Showtime”, “Ewan, nagulat nga kaming lahat, eh.”
Hmmm, naisip namin na baka malaki ang offer in terms of talent fee? Kasi alam naman ng lahat na nagbawas ng talent fee ang Kapamilya network sa mga naiwang staff nila at understandable iyon dahil nawalan sila ng prangkisa.
Kung kasama ka sa na-retrench, understandable na tumanggap ka o maghanap ka ng ibang project sa ibang TV network dahil kailangan mong mabuhay, pero ‘yung may trabaho ka at umalis ka dahil mas malaki ang offer ng kabila, e, dito mate-test ang loyalty mo.
Kaya siguro maraming nagulat nang iwan ni direk Bobet ang “Showtime” kasi hindi naman siya inalis.
Sa mga artista naman, kung wala kang project o maibigay na trabaho ang Kapamilya network, tama lang din na tumanggap ng ibang offer sa ibang network tulad ng TV5 kung saan maraming Kapamilya stars ang naroon na at maganda ang exposures nila.
Pero kung ang artista ay may project at priority naman siya ng network ay hindi namin maintindihan kung bakit kailangan niyang lumipat lalo na kung homegrown talent siya ng ABS-CBN.
Sa kaso nina Piolo Pascual at Maja Salvador, pinakiusapan daw sila ng tatay nila sa Star Magic na si Mr. Johnny Manahan at hindi naman nila mahindian ang huli dahil malaki naman talaga ang nagawang tulong nito sa career nila.
Pero ang balita namin ay babalik sina Piolo at Maja sa ABS-CBN, kung kailan ay abangan na lang at ayaw naming pangunahan ito.
Going back to direk Bobet, hindi nabanggit sa amin kung kinausap niya ang “Showtime” hosts para magpaalam nang maayos. Kaya siguro nakapagbiro si Ryan Bang na hindi siya lilipat ng channel?