11th Himig Handog hindi napigilan ng pandemya; bakbakang Moira, KZ, Juris, Janine kasado na

WALA nang makapipigil sa paghataw ng 11th Himig Handog songwriting competition ngayong taon kahit na may banta pa rin ng COVID-19 pandemic.

Hindi magpapaawat ang taunang songwriting contest ng ABS-CBN Network at Star Records dahil handang-handa na ang lahat ng composers at interpreters sa magaganap na showdown.

Ayon kay ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo, wala namang masyadong magbabago sa kumpetisyon, mas naging choosy lang daw sa pagpili ng mga entries this year.

“As far as the screening is concerned, the screenings, the process, wala namang nagbago pati sa launch.

“Doon sa buong process ng Himig Handog, sa pagpili ng winners, pag-screen ng mga finalists, the same process pa rin naman tayo,” sabi ni Jonathan sa ginanap na virtual presscon para sa Himig Handog 11th Edition and Listening Party kamakalawa.

Ani Jonathan, mababago lang daw ang presentation at promotions, “Kasi siyempre ang hirap na ngayon ‘di katulad dati noong pre-pandemic. Mas madaling umikot on ground sa mga promotions.

“Pero ngayon dahil sa limitations na meron tayo dahil sa pandemic, ang promotions natin ngayon halos lahat puro digital na. Although na sa digital na naman din tayo lahat ngayon,” sey pa ng creative director.

Tungkol naman sa date ng grand finals, baka raw sa February, 2020 na ito mangyari, “Iniisip pa namin kung ano ‘yung gagawin natin sa finals night.

“Kasi doon talaga malaki ‘yung magiging pagbabago kasi ibang iba na talaga ‘yung pag-mount ngayon ng mga events kumpara nung time na wala pang pandemic.

“’Yung details ng finals by next year, ‘yun ‘yung inaayos pa namin kung paano ‘yung gagawin natin with the current situation na meron tayo sa pandemya,” aniya pa.

Narito ang 12 entries na maglalaban-laban this year.

“Ang Hirap Maging Mahirap” by Kenneth Reodica (interpreter: Davey Langit ft. Kritiko)

“Bulalakaw” by Joanna Ang (interpreter: Janine Berdin ft. Joanna Ang)

“Ibang Planeta” by Dan Tañedo (interpreter: Zild)

“Ika’y Babalik Pa Ba” by Jabez Orara (interpreter: Juris)

“Kahit Kunwari Man Lang” by Kirt David Mercado (interpreter: Moira dela Torre and Agsunta)

“Kahit Na Masungit” by John Francis and Jayson Franz Pasicolan (interpreter: Jeremy Glinoga and Kyle Echarri)

“Kulang Ang Mundo” by Daryl Cielo (interpreter: Sam Mangubat)

“Marupok” by Daniella Ann Balagtas (interpreter: KZ Tandingan)

“Out” by Erica Sabalboro (interpreter: Fana)

“Pahina” by Joshua Ortiz and Aniceto Cabahug III (interpreter: Kiss N’ Tell)

“Tabi Tabi Po” by Mariah Alyssa Moriones (interpreter: JMKO)

“Tinadhana Sa’yo” by SJ Gandia (interpreter: Zephanie)

Samantala, tila suki na ng Himig Handog ang bagong kasal na si KZ Tandingan dahil pang-apat na beses na niya itong pagsali bilang interpreter.

Noong 2013 siya ang kumanta ng “Scared To Death” ni Domingo Rosco, Jr., at taong 2014 naman nang kantahin niya ang “Mahal Ko o Mahal Ako” by Edwin Morallano na siyang naging champion. Nakuha rin ni KZ ang Favorite Interpreter Award.

Noong 2016 naman nanalong 3rd best song ang kantang “Laban Pa” ni David Dimaguila kung saan naka-duet niya ang R&B King na si Jay R. At this year nga, siya ang kakanta ng “Marupok” composed by Danielle Balagtas.

Read more...