SA kabila ng matitindi at sunud-sunod na pagsubok na pinagdaraanan ng mga Filipino, naniniwala si Rhian Ramos na may naghihintay pa ring magandang buhay para sa lahat.
Totoong-totoo raw ang mensaheng dala sa sambayanan ng 2020 Christmas Station ID ng GMA na “Isang Puso Ngayong Pasko.”
Ayon sa Kapuso actress, sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic at sa magkakasunod na kalamidad na tumama sa Pilipinas, excited pa rin siya sa mga sorpresang dala ng holiday season at sa pagpasok ng 2021.
“Kasi sa tingin ko, nu’ng nagsimula itong pandemic, hindi ko alam kung gaano katagal siyang magla-last. Nu’ng una akala ko two months lang and then nadagdagan ulit ng another two months.
“But now, I’m just excited for this to be over so we can all hug each other,” pahayag ni Rhian sa panayam ng GMA.
Dagdag pa niyang mensahe, “Napansin ko nga na kahit magkakalayo tayong lahat, parang mas naging matulungin ang mga tao. And naging mas open tayo sa isa’t isa.
“Ako, ‘yung mga conversations ko lately, with my mom, my sister, and all of my family members, mas naging heartfelt.
“Nakita ko na if families can be united at a time like this, e ‘di tayong lahat pwede, with our workmates, with our friends, we can all be united,” positibo pang pananaw ni Rhian.
* * *
Successful ang birthday benefit concert ng Kapuso comedian na si Betong Sumaya nitong nagdaang weekend.
Para sa selebrasyon ng kanyang 45th birthday last Saturday, Nov. 21, isang concert ang pinaghirapan ni Betong para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.
Ayon sa Kapuso host-comedian ang kinita sa naganap na virtual concert ay ido-donate niya sa mga residenteng nabiktima ni Ulysses.
Ilan sa mga naki-celebrate kay Betong ay si Dani ng grupong XOXO, StarStruck Season 7 Male Ultimate Survivor Kim de Leon, The Clash alum Lowell Jumalon, StarStruck alum Jeremy Sabido, Lolong star Ruru Madrid, Valeen Montenegro, Kakai Bautista, Boobay, Lovely Abella, Denise Barbacena at ang BFF niyang Maey Bautista.
“May pa-concert for a cause po tayo para sa mga biktima ng Bagyong Ulysses lalung-lalo na sa Marikina,” ang naunang announcement ng komedyante sa kanyang social media accounts
Isa si Betong sa mga local celebrities na agad nagbigay ng tulong sa mga residenteng nawawalan ng bahay at kabuhayan dahil sa sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa.