Zia super kilig sa b-day greeting ni Sarah G; DongJen pampa-good vibes sa ‘DOTS’

ALIW na aliw ang Popsters nang makita ang “kilig” moments ng celebrity kid na si Zia Dantes matapos mapanood ang birthday greeting sa kanya ni Sarah Geronimo.

Isa ring certified Sarah G fan ang panganay nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Nagsimula raw ang pagiging Popster ng bagets dahil sa hit na hit na “Tala”.

Pinusuan at ni-like ng mga netizens ang mga litratong ipinost ni Dingdong sa Instagram kung saan na-capture ang iba’t ibang reaksyon ng anak habang pinanonood ang video kung saan binati nga siya ni Sarah pati na ng ilang paborito niyang vloggers.

Caption ng Kapuso Primetime King sa kanyang IG post, “The prog­ression of her kilig when we made her watch the birthday greetings of her most admired media personalities. #SarahG.”

Makikita si Zia sa mga photos na kilig na kilig habang pinanonood ang video greetings nina Sarah. May pagkakataon pa na tila maluluha ang bagets habang napapatakip pa ng kanyang bibig dahil hindi siya makapaniwala sa kanyang napapanood.

Nag-celebrate kamakalawa, Nov. 23, si Zia ng kanyang 5th birthday sa kanilang bahay with a Coco Melon-themed party.

Nauna rito, mismong si Marian ang nagsabi na idol na idol ni Zia si Sarah kaya naisip niyang pakiusapan ito na batiin ang anak. Siya raw talaga ang nakipag-usap sa asawa ni Matteo Guidicelli para gumawa ng video greeting.

Sa Instagram account naman ng Kapuso actress-host, ibinahagi niya ang ilang ganap sa simpleng party ni Zia.

“I was so touched when she told me this morning that her wish is to keep her family, friends, and everyone she knows safe and for the world to be healed.

“Thank you for being such a thoughtful daughter, mama is always here to protect and support you all the way… Happy Birthday, anak! Mahal na mahal ka namin,” ang mensahe ni Marian para sa kaarawan ng panganay nila ni Dong.

Samantala, puring-puri naman ng manonood ang tambalan nina Dingdong at Jennylyn Mercado sa award-winning Kapuso series na “Descendants Of The Sun”.

Nitong mga nakaraang episode ng serye, muling pinatunayan ng DongJen ang kanilang versatility as actors. Bukod kasi sa pagdadrama, bentang-benta rin sa viewers ang kanilang pagiging komedyante at ang galing nila sa pagpapakilig.

Tulad na lang ng mga eksena nila kagabi bilang sina Big Boss at Doc Beauty, magkahalong iyakan at inlaban na naman ang nasaksihan ng manonood. Sabi nga ng isang DongJen fan, tinginan lang ng dalawa ay kinikilig na siya.

Napapanood pa rin ang Pinoy version ng hit Korean drama na “DOTS” sa GMA Telebabad after “Encantadia.”

Read more...