Nakababahala kung totoo ang tip na ibinigay sa akin ng aking cricket kaugnay sa bagong modus ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Taon-taon ay nagsusumite ang mga kawani ng gobyerno ng kanilang statement of assets, liabilities and net worth o SALN.
Doon ay obligado silang ideklara ang kanilang mga ari-arian, pera sa bangko at maging mga pagkakautang.
Natural na magiging kwestyonable kapag biglang lumaki ang assets ng isang kawani o opisyal ng gobyerno lalo’t hindi naman nadagdagan ang kanyang sweldo sa gobyerno.
Noong araw ay naging takbuhan ng mga sangkot sa money laundering ang mga casino.
Doon ay nagagawa nilang maparesibuhan ang pera na kanilang hawak na para bang nanalo sila sa sugal.
Pero dahil bawal na sa loob ng mga pasugalan o leisure area ang mga kawani ng gobyerno kung kaya naman nakaisip sila ng bagong modus kung paano maitatago ang kanilang mga nakaw na pera o kaya ay may kita na nakuha sa pamamagitan ng iligal na mga gawain.
Sinabi ng aking cricket na kadalasan ngayong namimili sila ng mga nanalong ticket sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Dapat maimbestigahan kung totoo ang ulat na ito na ilan sa kanilang kawani ang tumatayong contact person ng ilang corrupt na opisyal ng gobyerno.
Ang modus ay bibilhin ng magnanakaw na opisyal ang isang lotto winning ticket ng cash.
Pumapayag umano ang ilang nanalong mananaya dahil sure cash na nga naman ito at wala pang kaltas na 20-percent tax.
Sinabi pa ng aking cricket na ilan sa mga nakinabang sa nasabing modus ang ilang kawani ng Bureau of Immigration na sangkot sa pastillas scam.
Panawagan natin sa pamunuan ng PCSO na imbestigahan ang modus na ito.