Hugot ng dating beauty queen: I hate K-Pop…konting pride, please!

KALIWA’T kanang batikos ang inabot ng dating beauty queen na si Imelda Schweighart matapos mag-viral ang pasabog niyang post na “I hate K-Pop.”

Habang nagpipiyesta ang Pinoy fans ng sikat na sikat na Korean boy group na BTS dahil sa natanggap na Favorite Social Artist award sa American Music Awards, bigla namang naglabas ng matapang na komento si Imelda tungkol sa K-Pop.

Sunud-sunod ang post ng resigned Miss Earth Philippines 2016 sa kanyang Facebook page kung saan tila pinagsabihan ang mga Filipino na nahuhunaling sa mga Korean idols.

“Filipinos are losing their identity trying to be like Koreans. Konting pride, please?” ang hugot pa ng former beauty queen-turned-singer.

Dagdag pa ng dalaga, “Di hamak na mas magaling naman mag-English mga Pinoy kesa Korean. Kala ko ba Chinese nananakop? I think we’re getting it wrong. Lagi nalang tayo sinasakop.”

Nanawagan din siya sa mga Pinoy na suportahan din nang bonggang-bongga ang mga Filipino artists sa halip na sumunod na lamang kung ano ang pinauuso ng mga dayuhan.

“I want to see us carve our own lane, promote self love, acceptance for shapes and sizes without too much compromise and sacrifice as entertainers. Diversity, for once!” paalala pa ni Imelda.

Samantala, sinagot din niya ang ilang comments ng netizens na nagsabing wala raw siyang pakialam kung sino ang gustong pakinggan at panoorin ng mga Pinoy.

Huwag din daw niyang pakialaman ang mga taong umiidolo at humahanga sa mga K-Pop stars dahil karapatan ng bawat isa ang mamili kung sino ang kanilang mamahalin at susuportahan.

May isang basher namang sinagot si Imelda kung saan ipinagdiinan nito ang “oppression and slavery” ng Korean artists at ang issue ng plastic surgery sa entertainment industry.

“Insecurity is what they sell. They are not promoting self love,” pahayag pa ng dalaga.

In fairness, may mga nagtanggol din naman sa dalaga at nagkomento na hindi dapat minasama ng mga K-Pop fans ang sinabi ni Imelda dahil karapatan din niyang i-express at ipagsigawan sa mundo ang nasa puso’t isip niya.

Noong 2016, umingay ang pangalan ni Imelda Schweighart nang mag-resign siya bilang Miss Earth Philippines 2016 matapos kumalat ang isang video kung saan sinabihan niya si Miss Earth 2016 Katherine Espin na nagparetoke umano.

Read more...