Rep. Duterte nagbantang magbibitiw bilang chair ng House committee

Nagpasya umano si Davao Rep. at Presidential Son Paolo “Pulong” Duterte na magbitiw na lang sa kanyang pwesto bilang chairman ng House Committee on Accounts.

Para kay Duterte, hindi maliiit na bagay ang ginawang loyalty check sa kanya ng ilang mga kaalyado sa House Majority.

Kaya naman sa halip na manatili sa pwesto ay nagdesisyon umano itong magbitiw bilang Chairman ng House Committee on Accounts, ang pwestong ibinigay sa kanya ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco nang maupo ito bilang House Speaker.

Noong nakaraang Linggo pa maugong na nagpaalam si Pulong kay Velasco na iiwan na ang makapangyarihang komite ngunit patuloy umanong hinihilot ng mga kaalyado ni Velasco ang galit ng mambabatas.

Sa sesyon noong Lunes sa Kamara, Nobyembre 23, inabangan din kung ihahayag na ni Pulong sa Plenary ang kanyang pagbibitiw subalit hindi nangyari. Ayon sa isang kongresista na ayaw magpabanggit ng pangalan ito ay dahil patuloy na tinatanggihan ni Velasco ang pagbibitiw ng una.

Ang desisyon ni Pulong na iwan ang Accounts Committee ay resulta ng kontrobersiyal na eksena sa selebrasyon ng kaarawan ni Velasco noong Nobyembre 9, sa nasabing pagtitipon ay sinabihan ni AAMBIS-OWA Partylist Rep Sharon Garin si Pulong sa harap ng mga kaalyado nila na “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto”, ang insidente ay humantong sa komosyon at awatan.

Hindi nagustuhan ni Pulong ang biro at sa nagviral na Viber message na ipinadala nya sa Viber group ng mga kongresista ay sinabi nitong didistansya na sya sa ruling majority matapos na rin makuwestiyon ang kanyang loyalty, at ang tinuturing nitong pagdistansya ay ang pagbitiw nga sa posisyon.

Ibinunyag pa ng source na para hilutin si Pulong ay itinalaga pa ni Velasco ang malapit nitong kaibigan na si House Committee on Appropriations Chairman at sya ding caretaker ng Benguet na si ACT CIS Partylist Rep Eric Yap na maging Vice Chairman ng House Committee on Accounts.

Ang House Committee on Accounts ay tinuturing na “plum” position sa Kamara.  Ang nasabing panel ang in-charge sa internal budget ng chamber kaya tanging ang pinagkakatiwalaan at handpicked ng Speaker ang itinatalaga dito. Matatandaan na sa term sharing agreement sa Speakership sa pagitan nina Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ay ito lamang ang tanging leadership post na kanilang napagkasunduang papalitan.

Aminado ang ilang mambabatas na kung tuluyang didistansya si Pulong sa Mayorya sa Kamara ay katumbas na din ng pagkawala ng suporta ng administrasyon.

 

Read more...