TULOY pa rin ang paglipad ni Darna!
Kumpirmadong itutuloy na ng ABS-CBN ang ilang beses nang napurnadang pagsasapelikula ng “Darna” dahil sa iba’t ibang kadahilanan na hindi rin naman kontrolado ng produksyon.
Pero ang nasagap naming balita, hindi na sa pelikula muling lilipad ang iconic Pinay superhero kundi sa telebisyon muna dahil mas madali raw itong gawin sa TV kesa sa big screen.
Ito’y pagbibidahan pa rin ni Jane de Leon na nakapagsimula na rin naman ng training bago ipatupad ang lockdown sa bansa dulot nga ng COVID-19 pandemic.
At dahil gagawin na ngang teleserte ang “Darna” project ni Jane nabalitaan naming nire-revise na ngayon ang script nito para mas maging akma sa telebisyon.
Wala pang binanggit sa amin kung sino ang magiging direktor nito dahil sa pagkakaalam namin nakakontrata lang sa pelikula ang magdidirek sana ng bagong movie version ng “Darna” na si Jerrold Tarog.
Puwede rin namang ituloy ito ni direk Jerrold kaso abala na siya sa buong 2021 dahil sa gagawin niyang pelikula sa TBA Studios, ang “Quezon” na pagbibidahan ni Benjamin Alves.
Samantala, hindi naman kami nasagot ng aming source kung isasama sa teleserye ang mga eksenang nakunan na ni direk Jerrold sa “Darna” movie.
Balitang umabot na ng 15 days ang shooting ng “Darna” bago huminto ang produksyon nito dahil nga sa pandemya.
Big scenes ang karamihang kailangan sa “Darna” movie at hindi naman puwede ito kung itutuloy ang shooting dahil napakahigpit ng health protocols. Sa pagkakaalam namin 50 katao lang ang allowed sa set.
“Maraming fight scenes sa Darna, maraming talents maraming big scenes kaya mahirap ituloy sa limitadong tao lang,” pahayag ng aming source.
Anyway, ang “Darna” series ay unang mapapanood sa iWant TFC sa 2021 bago umere sa A2Z at Kapamilya channels.