“MY little savior!” Ganyan inilarawan ni John Lloyd Cruz ang anak nila ni Ellen Adarna na si Elias.
Para kay Lloydie, ibang klaseng kaligayahan ang nararamdaman niya ngayong tatay na siya. Parang hindi raw matutumbasan ng kahit anong halaga ang magkaroon ng anak.
Makalipas ang halos apat na taon, muling nagpa-interview si John Lloyd kay Boy Abunda sa pamamagitan ng digital talk show nitong “Best Talk.”
Dito nga nila napag-usapan ang ilang detalye sa buhay ngayon ng aktor pati na ang ilang dahilan kung bakit bigla na lang siyang nagdesisyon na iwan muna ang mundo ng showbiz.
“Nakakaubos iyong dine-demand ng ganitong trabaho. And bilang creator gusto mong makapagbigay lagi ng something worth their time.
“And kung ubos ka, medyo mahihirapan kang ma-deliver iyon kasi wala nang bagong laman iyong utak mo, wala ka nang maibibigay na tingin ko is worth their time. Kumbaga nakakahiya na lang din,” simulang paliwanag ni Lloydie.
Ayon sa aktor, naramdaman niya na kailangan muna niyang huminto sa lahat ng ginagawa niya, “Kailangan nang medyo dumistansya.
“Parang gusto mong maging…hindi ko alam, para malagyan mo uli, kailangan mo munang ubusin. Something like that. Parang hindi naman siya story na bago.
“Siguro gusto mo lang na, at one point, you realize, sobrang iksi pala ng buhay. Gusto ko lang somehow mabigyan din kahit papaano ng halaga, ng atensyon yung mga bagay na hindi mo puwedeng ikaila.
“Yung, di ba, parang hindi mo siya maide-deny, parang kailangan mo siyang gawin Kailangan mo siyang gawin, otherwise, parang tingin ko, ayoko namang tumanda na nagtataka ako kung, ‘Paano kung sinubukan ko?’” lahad pa ng dating partner ni Ellen Adarna.
Sa tanong naman kung masaya siya ngayon sa pinili niyang buhay, “Wala na yatang mas liligaya pa kapag mayroon kang maliit na anak, na 2 years old na ang kulit. Wala nang kasing saya. Ang lupet. My little savior.”
Samantala, nagkuwento rin si Lloydie sa kanyang upcoming movie with Lav Diaz, ang “Servando Magdamag,” na mula sa award-winning short story ni Ricky Lee.
Malapit na raw nilang matapos ang pelikula na tumatalakay sa pinagmulan ng violence sa Pilipinas, “Karahasan, kasamaan — wala ka palang nakita, wala ka pa palang alam,” sey pa ni John Lloyd patungkol sa bago niyang proyekto.