Jason naglunsad ng ‘Clean Water Project’ para sa typhoon victims; Gabby excited sa Paskong Pinoy

SINIMULAN ng Kapuso actor na si Jason Abalos ang “The Clean Water Project”para sa mga residente ng Cagayan at Isabela na sinalanta ng bagyong Ulysses.

Layunin nitong magbigay ng malinis na tubig para sa mga nasabing probinsya na kabilang mga sa mga lugar na binayo nang husto ni Ulysses.

“Maiksing kuwento lang. Kahapon kausap ko pinsan ko na nasa Isabela sabi ko bili tayo water containers para pwede pa magamit ulit.

“At sana may mga refilling station sa Cagayan at Isabela na magbigay muna ng libreng refill ng tubig para kahit paano hindi na nila poproblemahin ang maiinom.

“Nakapagbigay po kami ng ilan. Pero madami pa rin po ang nangangailangan ng malinis na tubig na maiinom,” kuwento ni Jason sa Instagram.

Dagdag pa ng aktor, “Hindi ako nagse-celebrate ng birthday pero magsisimula ako ngayon at magpapainom tayo ng malinis na tubig.

“DM n’yo na lang po ‘yong regalo n’yo na donasyon at bibili tayo ng water containers para sa pamilyang nasalanta ng bagyo. Maraming salamat po,” aniya pa.

Ibinalita rin ni Jason na as of Nov. 18, mayroon nang naipong clean drinking water para sa 400 families ang kanilang proyekto.

* * *

Dahil unang beses nilang magtatambal sa isang teleserye, excited na raw si Gabby Concepcion na makatrabaho si Sanya Lopez para sa upcoming Kapuso series na “First Yaya.”

Pagbabahagi ni Gabby, “Marami na akong narinig na maganda tungkol sa kanya.

“Malaki ang fanbase niya and gusto kong makarating sa kanyang fans na I’m really happy na makakasama ko ang idol ninyo.

“It’ll be a surprise. Hindi ko pa siya nakikila in person. Okay naman siya sa Zoom. Ang ganda naman ng energy na nakikita ko, so, I’m excited,” lahad ng Kapuso actor.

Malapit na ring magsimula ang lock-in taping para sa “First Yaya” na tatagal hanggang bago mag-Pasko.

Dagdag pa ni Gabby, ito raw ang unang pagkakataon na magdiriwang siya ng Pasko sa Pilipinas.

Aniya, “First time ko lang mase-celebrate ang Christmas dito kasi every year umaalis kami. Pero ngayon first time naming mar-experience na dito lang sa bahay since 2008. Iba rin siya. Iba ring thrill siya kasi something new again.”

Read more...