NAKASUOT ng unipormeng pang-estudyante ang aktres na si Julia Montes sa isang photo na ipinost niya sa kanyang Instagram account kagabi.
Ang caption niya rito ay, “Who said you can’t wear uniforms? Studying while having the luxury of having my fave coffee. Thank you @southville_is for helping me step by step achieving my dream on putting up my own restaurant looking forward every time I have classes #JMyway.”
Ang daming pumuri kay Julia, isa na nga si Shaina Magdayao na kasama niya sa teleseryeng “Asintado” na umere noong 2018.
Say ni @shaina_magdayao, “Proud of you.” Na sinagot naman ni Julia ng apat na heart emoji.
Komento naman ni @agotisidro, “Yey!!! Proud of you Bebe (na may tatlong heart emoji).” Nagkasama rin sila noon sa “Asintado”.
Tatlong heart emoji din ang ipinostni Cherrie Pie Picache na nakasama rin ni Julia sa “Asintado” at sa pelikulang “The Strangers” noong 2012.
“Yehey, ate (dalawang heart emoji),” naman ang sabi ni @milesocampo.
Sabi naman ni @mellyricks09 na kasama ni Julia sa weekly TV series na “24/7″, excited siya sa pagbabalik-eskwela ng aktres, “Gooo gooo!!!”
Ayon naman kay @_djchacha, “Ganda ganda go babygurl.”
Marami ring netizens ang nagpadala ng suporta sa dalaga at natutuwa sila sa muli nitong pagbabalik sa pag-aaral since wala namang pinagkakaabalahan ngayon ang aktres.
Hindi naman kami sinagot ng handler ni Julia sa tanong namin kung anong year at kurso niya sa Southville International School and Colleges.
Speaking of Julia Montes, marami ang nagtatanong sa amin kung kailan siya ige-guest sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na sinasagot namin agad na malabo itong mangyari dahil ang leading lady ni Coco Martin sa serye ay si Yassi Pressman.
Hindi naman puwedeng basta-basta lang ang ibigay na role kay Julia sa aksyon serye ni Coco.
Speaking of “Ang Probinsyano”, nalungkot ang mga tagasubaybay ng programa dahil hindi nila ito napanood ng ilang buwan dahil nawala na ang ABS-CBN matapos pagkaitan ng bagong prangkisa.
Bagama’t napapanood ito sa iWant TFC at YouTube ay hindi naman lahat ay kayang magbayad ng subscription fee at internet kaya naman nang ianunsyong mapapanood na ang mga programa ng Kapamilya network sa A2Z gamit ang TV Plus at digital TV boxes ay todo ang pasasalamat ng viewers.
May nakita rin kaming posts online na nagpasalamat sa balitang ito dahil hindi na raw nila kailangang gumastos ng mobile data para makapanood ng Kapamilya shows sa YouTube at Facebook.
Bukod sa “Probinsyano”, napapanood din sa A2Z ang mga programang “Ang Sa Iyo Ay Akin,” “Bagong Umaga” at “Walang Hanggang Paalam”, “It’s Showtime”, “ASAP,” “I Can See Your Voice”, “Paano Kita Mapasasalamatan”, at “Iba ‘Yan.”
May educational programs ding umeere sa A2Z tuwing umaga at kiddie shows naman sa hapon. Makakatulong ito sa mga magulang na nahihirapan nang maghanap ng paraan para malibang at matuto ang mga anak nila sa bahay sa panahon ngayon.