‘$1 billion house tour’ ni Buboy sinundan ng bagsik ni Ulysses: May trauma ako sa bagyo-bagyo
PATOK na patok sa mga netizens ang paandar na “$1 billion” house tour ng Kapuso comedian na si Buboy Villar.
Ngunit ilang araw lang matapos niyang ibandera sa kanyang YouTube channel ang nasabing vlog ay naranasan din nila ang bagsik ng Bagyong Ulysses.
Agad na gumawa ng bagong video si Buboy para ipakita naman sa kanyang subscribers ang nangyari sa kanila habang binabayo ni Ulysses ang maraming lugar sa Luzon kabilang na nga ang Metro Manila.
Makikitang tinakpan ni Buboy at ng kanyang pamilya ng trapal ang bintana ng bahau para hindi pumasok ang malakas na ulan.
Bukod dito, itinali rin nila ng alambre at lubid ang mga poste ng kanilang bahay dahil baka raw bumigay sa sobrang lakas ng hangin.
“So mga bok, medyo may problema ngayon. May trauma kasi ako sa mga ganitong mga bagyo-bagyo kasi nabagyo na rin kami dati sa Ondoy, kaya nakakatakot din.
“Although sa amin, nandito kami sa may taas pero nakakatakot na baka mawalan kami ng bubong,” pahayag ni Buboy na nakaranas din pagkawala ng kuryente at tubig.
Sabi ng Kapuso comedian, maswerte pa rin sila na kahit hindi nila napaghandaan ang pagdating ng bagyo ay maayos pa rin ang lagay ng kanyang pamilya. Nakikisimpatya naman siya sa mga kababayan nating matinding naapektuhan ng kalamidad.
“Sa mga panahon na ganito bok, kailangan lagi tayo handa ‘no. Kailangan lagi tayong aware sa mga nangyayari kasi hindi natin alam, katulad nito, hindi kami handa, bigla palang ganito.
“Hindi kami nakapag-ready para sa mga bintana namin. Biglang nagwawala ‘yung panahon kaya kailangan mag-iingat tayo bok kasi ‘yung ang pinakaimportante.
“Siyempre, ‘yung mga pamilya natin lalo na ‘yung mga bata siyempre importante bok,” litanya pa ni Buboy.
Nagbigay naman ng mensahe ang komedyante sa lahat ng nawalan ng bahay at kabuhayan dulot ng sunud-sunod na bagyo sa bansa.
“Ipinagdadasal ko lahat ng mga nasalanta. Nawa’y sana makaahon tayo. Move forward tayo. Although hindi naman itong video na ito para malungkot tayo.
“Ako naranasan ko rin dati sa Ondoy, grabe talaga. Delikado rin pero wala tayong magagawa, e. Sa mga ganito kailangan natin i-chill ‘yung utak natin.
“Brownout? Okay, brownout na. Walang tubig? Okay, walang tubig. Baha na sa iba’t ibang lugar. Awa ng Diyos, safe ‘yung family ko, ‘yung anak ko rin.
“So bok, lagi po nating taandaan lagi po tayong mag-iingat. Ipinagdarasal ko po lahat at titingnan po natin kung ano po ‘yung matutulong natin sa mga nasalanta, mga bok,” pahayag pa ni Buboy Villar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.