PAANO nga ba ise-celebrate ng mga Pinoy ang Pasko ngayong 2020?
Ang daming sakunang nangyari sa bansa simula pa lang noong Enero hanggang sa pumutok na ang COVID-19 pagsapit ng Marso at sinundan pa ng sunud-sunod na bagyo kung saan libu-libong pamilya ang nasalanta.
Dito naisip ng award winning director na si Jun Robles Lana na sumulat ng kuwento tungkol sa Pasko at kung paano ito ipagdiriwang ng ating mga kababayan.
Sa virtual mediacon ng “Paano Ang Pasko” series ng TV5 na magsisimula na sa Lunes, ay ikinuwento ni direk Jun kung paano niya sinimulang buuin ang kuwento ng serye.
“’Yung concept na ito napag-usapan namin ni Perci (Intalan) kung paano nga ba ise-celebrate ng mga tao ang Pasko ngayon, iyon talaga ang pinaka-idea nito especially now na may pinagdadaanan tayong lahat.
“Pinag-uusapan din namin ‘yung the usual things that we used to enjoy kung ma-enjoy pa ba natin like bilang mga Pinoy, we look forward to the Metro Manila Film Festival but you know, (pandemic) now it’s also online.
“As storytellers, as entertainers, we want to be there for our audience, we want them to have something to look forward to this Christmas na tuloy pa rin ang Pasko, meron pa rin kaming iaalay sa kanila and this is going to be a story that’s going to reflect on what’s happening to them.
“Pero siyempre binalot natin ‘to sa format ng isang soap opera to make things really exciting for them para mas maging kapana-panabik ‘yung mga eksena.
“Then nagkataon naman na meron akong kuwento na nire-reserve ko sana para sa isang pelikula and I’ve felt na this story is meant for the big screen ay in-adopt natin para sa isang TV show at ginawang soap at magkakaroon talaga ng cinematic value because basically it’s a film project na ginawang soap na mage-enjoy kayo,” aniya pa.
Tatlo ang direktor ng “Paano ang Pasko”, sina Direk Perci, Ricky Davao at Eric Quizon.
Ayon kay direk Kaizz (Eric), “I want to thank sa mga bumubuo (series) sina Perci, Jun, IdeaFirst, TV5, Cignal sa biyaya na ibinigay sa atin and to be able to have this opportunity to work for a series na first ito na magkaroon ng Christmas serye ang TV5, lalo’t pandemic ngayon.”
Say naman ni direk Ricky, “Gusto kong magpasalamat sa IdeaFirst, kay direk Jun, direk Perci. Actually, nag-start ito na aktor ako then after a while maraming nangyari sa panahon na ito kaya naging part direktor na rin ako.
“Medyo mahirap (shooting), it’s the new norm pero ini-enjoy namin ang pagsasama naming mga artista and I’m happy to be directed, first time my good friend Eric Quizon and si direk Perci also,” dagdag pa ng actor-director.
Para naman kay Direk Perci, “Ang ganda ng explanation ni Jun how the project started, gusto kong bigyan ng credit ang TV5 and Cignal because sila ‘yung nagsabi sa akin na ang pagkakasabi sa akin ni Ms. Shen Olazo (Cignal head channel), ‘alam ko malapit na ang pasko, kaya mo bang bumuo ng soap?’
“Punta kaagad ako kay Jun, kaya ba nating bumuo ng soap? September na, ber months na! Kumakanta na si Jose Mari Chan, sisimulan palang natin ang script.
“But honestly, it’s the kind of faith and kind of challenge that drive us, so I’m really grateful that they (TV5) took a chance,” dagdag pa ng director-producer.
Labis-labis ding nagpapasalamat sa roster of artists na inalok ng IdeaFirst producers dahil sa maikling panahon ay napapayag nila ang mga ito lalo’t lock in sila sa malayong bayan ng San Pablo City na inabot nga ng tatlong bagyo kaya tiyak na nag-aalala rin ang kani-kanilang mga pamilya.
Bibida rito sina Maricel Laxa, Beauty Gonzalez, Julia Clarete, Ejay Falcon, Matt Evans, Danita Paner, Justine Buenaflor, John Lapus, Cedric Juan, Devon Seron at Elijah Canlas.