Matteo, Gardo, Louise, Maui bibida sa remake ng ‘Kagat Ng Dilim’

MAY remake ang horror anthology na “Kagat ng Dilim” na naging bukambibig ng mga Pinoy viewers 20 taon na ang nakakalipas.

Pawang mga premyadong direktor na sina Richard Somes, Lawrence Fajardo, Paul Basinillo at ang kapapanalong si Rae Red sa 43rd Gawad Urian para sa pelikulang “Babae at Baril” ang muling magpapaalala sa publiko kung ano ang “Kagat ng Dilim”.

Ang apat na episodes na gagawin ni direk Rae ay ang “Sabel” nina Louise delos Reyes, Andrea del Rosario, at Guji Lorenzana, “Manika” na pagbibidahan nina Anthony Fernandez at Maui Taylor, “Kakambal” na nag-iisang bida ay si Matteo Guidicelli at ang “Salakay” ni Gardo Verzosa.

Sa nasabing grupo ng direktor ng “Kagat Ng Dilim” ay si direk Rae ang pinakabago kaya naman mas ramdam niya ang pressure. Mas nakilala kasi siya bilang writer ng mga pelikulang “Hush,” “Eerie,” “Tadhana”, “Neomanila”, “Birdshot” at marami pang iba.

Inamin niya ito sa virtual mediacon ng horror TV series na ipalalabas sa TV5.

“Nakaka-pressure pero I try to take it as an advantage na lang, like, I ask for advice. Humihingi ako ng support from them. Even before the Urian award, I’m fully aware na ako ‘yung baguhang direktor and I only did one film.

“So, with or without that award, alam kong marami akong kailangan aralin, habulin,” paliwanang ng lady director.

Bagama’t halos lahat ng pelikulang sinulat niya ay nanalo rin sa iba’t ibang award giving bodies pero itong 43rd Gawad Urian as Best Director at sa QCinema International Film Festival ay masasabing solo niya para sa pelikulang “Babae at Baril” kung saan nanalo ring Best Actress ang bidang si Janine Gutierrez.

Inamin din ni Direk Rae na hindi siya talaga matatakutin at hindi rin madaling matakot sa mga horror movies, maliban sa pelikulang “Kisapmata” ni Charo Santos-Concio noong 1981.

“Hindi siya yung usual horror na may multo, pero sobrang nakakatakot si Vic Silayan (tatay ni Charo sa pelikula). Grabe yung tatak niya sa akin, like, nakakatakot siya and very iconic ang na-create niyang karakter,” kuwento ni direk Rae.

Ang nasabing pelikula ay idinirek ni Mike de Leon kung saan nakasama rin sina Charito Solis at Jay Ilagan.

Read more...