Alden walang balak mag-celebrate ng Pasko sa ibang bansa; balik sa lumang tradisyon

WALANG balak mag-abroad si Alden Richards at ang kanyang pamilya ngayong holiday season tulad ng nakagawian nila nitong mga nakaraang taon.

Ayon sa Asia’s Multimedia Star Alden Richards bukod sa patuloy na banta ng COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng mundo mas nais ng pamilya na bumalik sa dati nilang Christmas tradition.

Ayon pa sa Pambansang Bae, parang wala rin sa timing ang mag-celebrate ng Pasko sa ibang bansa habang napakaraming Filipino ang naghihirap at nagdurusa ngayon dahil sa sunud-sunod na kalamidad sa Pilipinas.

“Siguro babalik kami sa normal tradition, na nasa bahay lang kami.

“Before talaga nag-a-abroad kami kasi that’s the only time I get to spend time with my family, tuwing holidays.

“So, ngayon, back to normal. Nasa bahay lang, magluluto, and spend our time as a family,” pahayag ni Alden sa panayam ng GMA 7.

Naniniwala rin ang Kapuso TV host-actor na sa kabila ng matitinding pagsubok na hinarap ng sambayanan, babangon at babangon ang pa rin ang mga Pinoy at patuloy na lalaban.

“This is one of the hardest times that we’ve been through and one of the longest, as long as I can recall.

“Tayong mga Pinoy, in times of trials talaga, kailangan nating magtulungan at wala rin naman magtutulungan kundi tayong mga Pinoy kasama ang ilan nating kababayan.

“Minsan may mga bagay talaga na out of our control, and the only thing we can do is pray, be patient, wait for things to get better, and adjust to the changing times.

“All we can do as a nation is to help each other and overcome the challenges that are going on.

“Sa mga Kapuso natin, itong mga huling buwan sinusubukan po tayo ng panahon because of the virus,” lahad ng binata.

Pagpapatuloy pa ni Alden, “Ang masasabi ko lang po talaga is, mahirap po itong pinagdadaanan natin pero kailangan nating lakasan ang ating loob para lumaban araw-araw kasi mahirap pong magpatalo sa kalaban na hindi naman natin nakikita.

“Kinakaya naman natin at kailangan nating pagpursigihin para makita natin ang liwanag ng magandang bukas sa susunod na araw,” positibo pang mensahe ng award-winning Kapuso Drama Prince.

Samantala, isa rin si Alden sa mga local celebrities na gumawa ng paraan para makatulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Umabot nga sa mahigit P200,000 ang nalikom na halaga ng binata mula sa kanyang online gaming page na AR Gaming.

“Maraming salamat sa lahat ng nag donate. Patuloy po tayong tumulong sa abot ng ating makakaya sa mga nasalanta ng bagyo. God bless and keep safe. #ARgaming #UlyssesPH,” mensahe ng binata.

Read more...