Dyowa ni Kris Bernal may isang request kapag natuloy na ang kasal

MAY isang hiling lang ang future husband ni Kris Bernal na si Perry Choi sakaling matuloy na nga ang na-postpone nilang wedding.

Sa unang pagkakataon, humarap sa camera sina Kris at Perry para pag-usapan ang detalye ng kanilang kasal.

Ayon sa aktres, talagang kinumbinsi niya ang kanyang fiancé para mag-guest sa “Sarap Di Ba?” na ipinalabas nga last weekend. Sa kakakulit daw niya ay napapayag din niya ang kanyang dyowa.

Kuwento nina Kris at Perry, nagdesisyon silang i-postpone muna ang nakatakda nilang wedding next year dahil nga COVID-19 pandemic.

“Na-move lang yung date ng wedding namin. Supposed to be May 2021, because that’s my birth month.

“Sa mga nangyayari, nawalan talaga kami ng time to prepare kasi, siyempre, ang dami ring na-move na weddings. So, nag-decide kami na huwag munang ituloy sa May,” kuwento ni Kris.

Sumingit naman si Perry sa chikahan at sinabi ang tunay na dahilan kung bakit kailangang i-postpone muna ang kasal.

Hirit ng binatang negosyante, “Kasi hindi pa talaga ako handa.” Na sinundan naman ng malakas na tawa ni Kris.

Samantala, kuwento pa ng aktres ang balak sana nila ay isabay ang kanilang kasal sa pagtatapos ng ipagagawa nilang dream house ni Perry.

“Na-move talaga siya kasi kasabay sana nung wedding ‘yung finished na rin sana yung house construction. Pero dahil hindi pa nasimulan, nasa planning pa lang, so lahat talaga delayed,” pahayag ng dalaga.

May hiniling din daw siya kay Perry kapag natuloy na ang wedding — ito ay ang makasama ang kanyang pamilya at iba pang mga mahal sa buhay at ang maisuot ang dream wedding gown niya.

“It’s just a simple wedding, pero my only request sana lahat ng nandoon. My friends, my family, and then I want a beautiful gown. Gusto ko mukha akong princess, ‘yun lang request ko,” lahad ni Kris.

At ang huling hirit naman ni Perry kay Kris, isa lang ang request niya sa pagdarausan ng kanilang very special day, “Basta hindi mainit.”

Samantala, mapapanood na rin si Kris sa upcoming weekly series ng  TV5, ang “Ate Ng Ate Ko.”

Makakasama niya rito sina Isabelle de Leon, Joem Bascon at Jake Cuenca.

Read more...