Minaliit ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas(KMP) ang imbestigasyong gagawin ng House of Representatives sa nangyaring massive flooding sa Cagayan at Isabela na tinawag nitong isang band-aid solution na walang kahihinatnan dahil tanging ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang sakop ng gagawing imbestigasyon at hindi kasama ang pag iimbestiga sa illegal at legal logging at illegal mining operations.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos, kung nais ng mga mambabatas na masolusyunan ang problema at hindi na maulit sa hinaharap ang sinapit sa Bagyong Ulysses ay kumprehensibong investigation in aid of legislation ang dapat nitong gawin.
“Hindi band-aid solution lang, hindi para masabi nating nag-imbestiga lang, ano ba yung punu’t dulo ng problema,may relasyon ang nanyaring pagpapawala ng tubig ng mga dams at ang ginagawang legal at illegal logging at large at small scale mining operation”paliwanag ni Ramos.
Una nang naghain ng House Resolution No. 1348 sina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano para imbestigahan ang nangyaring massive flooding sa pananalasa ng Bagyong Ulysses na ikinasawi na ng 67 katao at 20 pa ang nawawala habang bilyong piso ng ari arian ay imprastraktura ang nasira.
Giit ng KMP, ang tanging nakapaloob lamang sa 2 pahinang resolusyon ng Kamara ay ang pag-iimbestiga sa National Irrigation administration(NIA) na aalamin kung nasunud nito ang tamang protocol sa desisyon nitong buksan ang spillway gates ng Magat Dam subalit wala itong banggit ukol sa mining at logging operations, ani KMP Spokesperson Danilo Ramos, ang pagpapatigil sa mining operations at pagsasampa ng kaso sa mga ito ang syang dapat na resolbahin at imbestigahan ng Kamara.
Nanindigan din si Bayan Muna Rep Eufemia Cullamat na ang tuluyang pagpapasara ng mga large scale destructive mining operations at pagpapahinto sa kontruksyon ng Kaliwa Dam ang syang dapat na naging aksyon ng pamahalaan sa naranasang worst flood sa loob ng 40 taon sa Cagayan at hindi sapat na magsagawa lamang ng imbestigasyon na sa bandang huli ay maaaring wala ding mangyari.
Aniya, malinaw na illegal logging at mining ang sanhi ng naranasang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela na nangangailangan ng agaran at matapang aksyon ng gobyerno dahil hanggang sa hindi natitigal ang pagmimina sa bansa ay mas marami ang trahedyang nag iintay sa Pilipinas.
“Ang trahedya na nagdulot o ugat nitong matinding pagbaha at landslide ay ang nagpapatuloy pa rin na mga proyektong nakakasira sa ating kalikasan, katulad ng malalaking pagmimina na nagkakalbo sa mga kabundukan at kagubatan, at ang mga dambuhalang dam na nagpapakawala ng napakaraming tubig na naglulubog sa maraming bayan,” giit ni Cullamat.
Duda si Act Teachers Partylist Rep France Castro na may kahihinatnan sa bandang huli ang imbestigasyong iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte, aniya, ang Department of Environment and Natural Resources(DENR) ang nagbibigay ng permit sa mining operations at sya ding inatasan sa gagawing imbestigasyon kaya sa huli ay maaaring moro-moro lang ang mangyari dito.
Ang mga small scale mining ay agad na inisyuhan ng cease and desist order at pinatigil ang operasyon ngunit hindi naman makanti ng pamahalaan ang mga nasa large scale mining.
Hamon ni Castro, kasuhan ang mga mastermind sa mining at quarrying operations.
“gobyerno din ang may sala sa sinapit na pagbaha sa Cagayan dahil ang DENR na nasa ilalim ng ehekutibong sangay ang syang ding pumapayag na mag-operate ang mga mining at quarrying activities na kalaunang nagresulta sa pagkakalbo ng kabundukan”pagtatapos pa ni Castro.